
Wala raw masamang tinapay ang It's Showtime family sa aktres na si Janella Salvador, ayon mismo sa isa sa mga OG hosts nito na si Karylle.
Matatandaan na noong April 2, bumisita si Janella sa nasabing noontime show kasama ang Thai actor na si Win Metawin para i-promote ang kanilang pelikulang Under Parallel Skies.
Bukod dito, ibinida na rin ni Janella ang kaniyang upcoming concert na pinamagatang “Headtone.”
Nag-request naman ang host na si Kim Chiu kay Janella na mag-“sampol” ng kaniyang kakantahin sa naturang concert.
Pero pasimpleng tumanggi si Janella. Aniya, “Medyo paos ako today. Kayo na lang.”
Sinalo naman ito ni Kim at sinabi sa audience na pakinggan na lang sa music streaming platforms ang kanta ni Janella.
Pero tila iba ang naging interpretasyon ng netizens sa naging interaction na ito nina Janella at Kim.
Mas nabigyan pa ito ng ibang kulay nang gawing biro ni Vice Ganda ang sinabi ni Janella sa segment na “EXpecially for You” sa parehong episode. “Medyo paos siya today. Kayo na lang,” ani Vice sa isang contestant na inulit ang sinabi ni Janella.
Sa programa naman sa radio station na Magic 89.9 noong April 4, tinanong ni DJ Mo Twister si Karylle kung totoo ba na nagkaroon ng isyu sina Janella at Kim.
Dito ay nilinaw ni Karylle na walang isyu si Kim maging ang buong It's Showtime kay Janella.
Paliwanag ni Karylle, “It's just that Janella is not feeling so well, and she's preparing for her big concert, and she's doing movie press. Siguro she's not able to really rest and recover properly.
“So, we just asked her to do 'sampol, sampol,' but she wasn't ready for it because, obviously, she wants to be in tip-top shape for her concert.
Dagdag pa niya, “So, yeah, it was like a little moment that, you know, parang maybe to some people online, it meant something. But, you know, she just really couldn't sing at that moment.”
Samantala, nagbigay na rin ng pahayag si Janella tungkol dito sa pamamagitan ng kaniyang social media.
“Just to be clear, I have personally apologized for unintentionally offending someone but not for setting a valid boundary. If you twist my words, that's on you. I will always be assertive but never disrespectful,” ani Janella.
Ayon pa sa singer actress, hindi niya kailanman magiging intensiyon na makainsulto, at nagpasalamat na rin siya mga taong nakakaintindi sa kaniya.
Aniya, “I've been meaning to explain myself because the last thing I would ever want is to appear rude or disrespectful… and here I am being met with so much love and comfort upon opening this app."
“Thank you. It makes me happy to know that there are many people out there who know my heart and what I stand for.”
Mabilis namang nawala ang isyu dahil sa muling pagiging trending ng It's Showtime noong April 6 sa naging pasabog na debut nito sa GMA.
Tumabo ito ng mataas na TV ratings at tinutukan pa sa online live streaming.
Sa ngayon mapapanood na ang It's Showtime, Lunes hanggang Sabado sa GMA at GTV.
RELATED GALLERY: Here's what went down on It's Showtime's debut on GMA