
Masayang song performance ang hatid ng OPM singer-songwriter na si Kitchie Nadal sa It's Showtime kamakailan.
Inawit ni Kitchie ang kanyang hit song na “Bulong” sa stage ng noontime variety show.
Matapos ito, tinanong ng actress-host na si Karylle si Kitchie kung ano ang masasabi nito na paboritong videoke songs pa rin ng mga Pinoy ang mga awitin niya.
“Siyempre, nata-touch ako kasi 'yun din 'yung nakaka-encourage sa akin tumugtog pa rin after 20 years. 20 years na 'yung album,” sagot ni Kitchie.
Bukod dito, inalala rin ni Karylle ang naging panayam niya sa mang-aawit noong nagsisimula pa lamang ito at namangha ang aktres dahil sa songwriting skills ng huli.
“Sabi ko, 'you can write pala your own music.' And hindi ko maintindihan 'yun nung mga time na 'yun kasi sina DJ MOD gumagawa ng kanta ko. So talagang ang laki ng epekto mo sa buhay ko. Thank you so much,” anang It's Showtime host kay Kitchie.
Magkakaroon ng concert si Kitchie Nadal na pinamagatang “Same Ground: Kitchie Nadal's 20th Anniversary Concert” na gaganapin sa June 2 sa New Frontier Theater sa Cubao.
Subaybayan ang It's Showtime, Lunes hanggang Sabado,12 noon, sa GMA, GTV, at iba pang Kapuso platforms.
SAMANTALA, TIGNAN ANG FAMILY LIFE NI KITCHIE NADAL SA GALLERY NA ITO.