
Ibinahagi ng It's Showtime host na si Karylle na sumailalim siya sa anterior cruciate ligament reconstruction o ACL surgery ilang buwan matapos siyang ma-injure dahil sa pagsasayaw sa naturang noontime show.
Ibinahagi ito ng singer-actress at host sa kaniyang Instagram page nitong January 9, kalakip ang ilang litrato ng kanyang recent activities.
Caption ni Karylle sa kaniyang post, “Getting back into the swing of things. I'll tell you more about it when I get better, but I did a thing - ACL surgery.”
Hindi na nagbigay ng iba pang detalye si Karylle. Ibinahagi lang niya ang litrato kung saan makikitang kasama niya ang asawa at Spongecola frontman na si Yael Yuzon. Dito makikita na nakabenda ang kaniyang tuhod at sinusuportahan ng knee brace.
RELATED CONTENT: BALIKAN ANG ACL INJURY STORY NG PBA PLAYER NA SI KEVIN ALAS SA GALLERY NA ITO:
Matatandaan na noong August 2025 ay biglaang umalis ng It's Showtime si Karylle matapos siyang sumayaw at biglang mapaupo dahil sa sakit ng kaniyang tuhod.
Sa pagbisita niya sa Fast Talk with Boy Abunda noong Oktubre, ibinahagi ni Karylle na sumailalim siya sa physical therapy para sa kanyang injury. Ibinahagi rin niya ang posibilidad ng surgery.
“It was an ACL tear. Medyo malala. [Ito] 'yung mga nangyayari sa mga [basketball] player (It is quite severe. This often happens to basketball players),” sabi ni Karylle.
Pagpapatuloy pa ng aktres, nakaapekto rin ang scoliosis sa kanilang pamilya sa kaniyang injury.
“Dahil nga meron kaming scoliosis sa pamilya, palagi kaming nagpapa-therapy so 'yung therapy, kasama 'yun sa buhay namin. I do six machines tapos may mga exercise with a band every day para baka [sakaling] hindi na kailangan ng surgery,” sabi ni Karylle.