
Hindi mapipigilan ng unos ang pag-iisang dibdib ng magkasintahan sa Bulacan dahil kahit binaha na ang loob ng simbahan, tuloy pa rin ang kanilang kasal.
Kamakailan lang ay nag-viral ang video ng kasal nina Paolo at Mae Padilla na itinuloy ang importanteng okasyon, kahit pa binaha na ang simbahan. Inihalintulad pa ito ng netizens sa isang eksena ng pelikulang 'Crazy Rich Asians' nang lumusong si Mae sa baha para makarating sa altar.
Sa wedding scene ng nasabing pelikula ay lumusong din sa tubig sa aisle ng simbahan ang bride upang makarating sa altar.
Sa interview ng dalawa sa 24 Oras, inamin nina Paolo at Mae na ilang araw na silang nag-aalala na baka hindi matuloy ang kasal at marami ang hindi makarating dahil sa sitwasyon.
“Yung tapat po ng bahay namin, hanggang almost hita na. Tapos sa mga dadaanan po, sa labas ng bahay, bewang,” ani Paolo.
“Kahit lumulubog na po 'yung sasakyan namin, go pa rin para makapunta po dito,” dagdag pa nito.
Siguro ganito rin ang naramdaman ng celebrity couple na sina Maine Mendoza at Arjo Atayde na kinasal noong July 28 sa Baguio City matapos manalasa ng super typhoon na si Egay.
Ayon naman kay Mae, nang makita nila ang estado ng simbahan ay hindi sila nag-atubili na ituloy ang kasal.
Ayon pa dito, “Parang nanaig na lang po sa amin na kahit anong mangyari, itutuloy namin.”
Dagdag pa ni Mae ay kahit walang makarating na bisita ay ang importante ay naroon sila ni Paolo at kanilang mga pamilya. Ngunit ang naging sorpresa sa kanila, ay may mga bisita na dumating at ang hindi nila pag-alis sa simbahan.
“'Yun po 'yung sobrang nakakatuwa, 'yun po 'yung hindi namin ine-expect kasi, kumbaga tinanggap na po namin sa sarili namin na baka hindi sila makapunta dahil nga po baha lahat. Sobrang saya namin dahil ready po sila makilusong sa loob ng simbahan,” sabi ni Mae.