GMA Logo Catherine Camilon Miss Grand Philippines
Source: catherine_camilon/IG
What's Hot

Kaso ng nawawalang beauty queen na si Catherine Camilon, may bagong ebidensya

By Kristian Eric Javier
Published November 21, 2023 1:52 PM PHT

Around GMA

Around GMA

Pope Leo warns over use of AI in the military
CNU grads top licensure exams for teachers
Maluhong ina, TINITIPID ang anak at asawang may sakit! | Barangay Love Stories

Article Inside Page


Showbiz News

Catherine Camilon Miss Grand Philippines


Magkakaroon na ba ng kasagutan ang pagkawala ng beauty queen na si Catherine Camilon?

Mahigit isang buwan nang nawawala ang Miss Grand Philippines candidate at teacher na si Catherine Camilon. Sa pakikipagtulungan ng Kapuso Mo, Jessica Soho sa Philippine National Police (PNP) at sa Criminal Investigation Detection Group (CIDG) ay nakahanap sila ng mga bagong ebidensya sa pagkawala ng beauy queen.

Sa interview ng nanay ni Catherine na si Rosario Camilon o Rose sa KMJS, ibinahagi niyang naka-uwi pa ang anak sa kanila hapon ng October 12, ang mismong araw kung kailan siya nawala.

“Nag-aayos siya, nasa kuwarto niya, sabi niya, 'Ina, bukas sa Batangas lang ako.' Ibig sabihin nun sa akin, hindi siya papasok ng school,” pagbabahagi niya.

Dagdag pa nito ay nakatanggap pa siya ng tawag mula sa kaniyang anak 8:33 ng gabi, at sinabi nitong nag-aantay lang siya ng kaniyang mga kasama.

Ayon kay Rose ay iyon na ang huli nilang pag-uusap ng kaniyang anak at kinabukasan, nang subukan niya itong tawagan ay "cannot be reached" na, at may 14 na oras na rin ito umanong hindi online sa messaging app.

Pinuntahan rin nila ang opisinang laging pinupuntahan ni Catherine sa Batangas ngunit ayon sa station manager ay December 2021 pa ang huling project ng dalaga sa kanila.

“Sumagi sa isip ko, hindi pala siya nagsasabi ng totoo sa akin,” pagbabahagi ni Rose.

Sa pag-iimbestiga naman ng CIDG ay nakita nila si Catherine sa CCTV footage ng isang mall at napatunayan na nasa Lemery, Batangas ang dalaga.

Isang mensahe naman ang natanggap nila Nanay Rose mula sa nagpakilalang kaibigan ni Catherine na nagsabing ang pinupuntahan ng dalaga sa Batangas ay isang pulis na karelasyon umano nito.

Aminado naman si Nanay Rose na malihim sa love life ang kaniyang anak, “Wala kaming idea, wala naman talagang nasasabi ang aming anak, kaya masakit.”

KILALANIN ANG MGA KASAMA NI CATHERINE SA MISS GRAND PHILIPPINES 2023 DITO:

Samantala, dalawang testigo naman ang lumantad sa CIDG noong November 6, kung saan nakita nila umano ang tatlong lalaki na inililipat mula sa isang silver na kotse ang isang duguan na babae, papunta sa isang pulang sasakyan.

“Binubuhat ng dalawang lalaki and there's this somebody, siya 'yung nagmamando dun sa paglilipat,” ani ni Police Colonel Jacinto Malinao Jr.

Pagbabahagi ni PCOL Jacinto ay na-identify nila kinalaunan ang isa sa mga nakita ng witnessess bilang si Jeffrey Magpantay na siya umanong nagmamando ng paglilipat ng babae sa pulang sasakyan.

“Hindi lang sigurado kung si Catherine kasi hindi naman talaga kilala, but nung pinakita namin 'yung footage ni Catherine, nagfi-fit 'yung damit, 'yung suot niya nung araw na 'yun,” pagpapatuloy ni Jacinto.

Samantala, natukoy na rin ang police officer na di umano ay karelasyon ni Catherine na si Police Major Allan de Castro ng PNP Batangas. Hindi man ito nagpaunlak ng interview, ayon sa testimonya nito sa CIDG, ay kilala niya si Catherine ngunit itinanggi na may relasyon sila.

“He was made to explain tungkol sa pangyayaring ito. Base na rin sa nakuha naming explanation niya, purely general denial,” pagbabahagi ni Jacinto.

Subalit napag-alaman ng kapulisan na may koneksyon pala ang nauna nilang na-identify na person of interest na si Jeffrey na personal driver ni Allan.

Nang tanungin si Jacinto kung ano ang maaaring motibo ni Allan, ang sagot nito, “'Yung intensyon ng biktima nating si Catherine na gusto nang humiwalay.”

“Pangalawa, allegedly, sinabi na ni Catherine sa asawa ni Police Officer Major de Castro na meron itong babae so those two might trigger bakit nangyari itong pagkawala ni Catherine,” pagpapatuloy nito.

Hindi nagtagal ay inamin din ni Allan ang kaniyang relasyon kay Catherine, ngunit itinanggi na may kinalaman siya sa pagkawala nito.

“Inamin ng suspect natin na si Major de Castro at si Miss Camilon had a relationship. But with regards to the disappearance, Major de Castro chooses to invoke his right to remain silent,” ani ni Police Major General (PMGEN) Romeo Caramat Jr.

Dagdag pa niya, “We are hoping na meron pa kaming makukuhang ebidensya para mas along tumibay 'yung kaso namin against dito sa mga suspek.”

Ngayon ay sinampahan na ng kaso sina Allan, Jeffrey, at ang dalawa pang kasama nito ng kidnapping and serious illegal detention.

November 8 naman nang makita ang isang abandonadong pulang sasakyan sa barangay Dumuklay sa Batangas na di umano ay tugma sa nakita ng mga testigo.

“Assessment namin, very deliberate 'yung pag-abandon dun sa lugar na 'yun. Sa tulong ng ating highway patrol group ay pinu-pull-out na nila 'yung history nung sasakyan na 'yun through LTO verification,” sabi ni Jacinto.

Ngunit nilinaw nito na hindi masasabing involved ang owner ng sasakyan sa krimen hangga't walang napapatunayan.

Isinailalaim naman ang sasakyan sa forensic test at may nakitang 17 hibla ng buhok, at 12 swab ng dugo o blood samples kaya naman hiningan ng grupo ng DNA sample ang ina ni Rose para ma-match ito.

Sa 24 Oras nitong Lunes, November 20, ay nakumpirma na match and DNA ni Rose sa buhok at dugo na nakita sa abandonadong sasakyan.

“Hair and blood na nakita dun sa sasakyan ay nag-match dun sa DNA profile na binigay ng magulang ni Miss Catherine Camilon,” pagbabahagi ni Romeo.

Dagdag pa nito ay consistent at hindi nagsisinungaling ang mga witness dahil meron umanong corroborative evidence na nakita.

“Mas bumigat 'yung kaso na isinampa natin dun sa mga suspects dahil nagtutugma 'yung mga sinabi ng witnessess natin,” pagpapatuloy nito.

Samantala, sinabi rin ni Romeo na patuloy ang kanilang forensic team sa pag-examine ng sasakyan para makakuha ng fingerprints at i-match sa mga persons of interest na sinampahan ng kaso.

Panooring ang report sa 24 Oras dito:

Ayon kay Jacinto sa interview niya sa KMJS, oras na isumite ang ebidensya sa piskalya ay tsaka lang ito magdedesisyon kung sapat na pruweba na ba iyon na may naganap na murder.

“Gusto namin makita sa Catherine, gusto namin buhay para malaman namin kung anong nangyari. If dun tayo sa worst case scenario, we want the physical evidence,” pagpapatuloy ni Jacinto.

Samantala, masakit man sa kalooban ni Rose ay handa siyang tanggapin ang nangyari sa anak.

“Gustong-gusto ko na siyang makita, gustong-gusto ko na siya mayakap. Gusto kong iparamdam sa kaniya ang pagmamahal ko bilang ina,” sabi niya.

Panoorin ang segment ng Kapuso Mo, Jessica Soho kay Catherine dito: