
Walang paglagyan ang kasiyahan ni Kate Valdez nang makakuwentuhan namin siya via video conferencing para sa kaniyang bagong proyektong pagbibidahan.
Big project ito para sa Kapuso actress na bibida sa live-action multi-series adaptation ng horror comic series na DreamWalker.
Wala na ngang iba pang puwedeng manguna sa action-fantasy series kundi si Kate dahil mismong ang komiks ay inspired sa kaniya.
"Sa totoo lang po talaga, hindi po ako makapaniwala hanggang ngayon. It's still feel surreal.
"Comics pa lang hanggang ngayon, ina-absorb ko pa rin s'ya na totoo 'to and I am the character na magpo-portray 'tapos ngayon gagawin na siyang TV adaptation," bahagi ni Kate na kasalukuyang napapanood sa GMA Afternoon Prime series na Unica Hija.
Patuloy niya, "Parang panaginip po. Hanggang ngayon, nagpa-process pa rin siya sa'kin na dati dream ko lang na paano kaya in the future na kahit hindi main 'yung character ko basta kasama lang ako sa isang comic series ganyan.
"Tapos ako na 'yung big character so I'm really happy and I'm really blessed and I can't thank enough 'yung mga taong naniniwala at sumuporta sa 'kin especially kay Sir Mikey Sutton na grabe, as in grabe, talaga 'yung suporta sa 'kin.
"Alam ko naman po na kahit papaano magaling din naman ako coz nakikita ko rin naman sa feedback ng mga tao pero grabe po 'yung support sa 'kin ni Sir Mikey na parang feeling ako na 'yung pinakamagaling, 'yung ganong level. Sabi ko, Sir Mikey wait lang po, na-o-overwhelm na 'ko. Kila Sir Noel din."
Ang DreamWalker ay sinulat at ginawa ng Fil-Am journalist and pop culture blogger na si Mikey Sutton at mula sa ilustrasyon ni Noel Layon Flores, na lead visual designer ng inaabangang Voltes V: Legacy at 2016 version ng Encantadia.
May dalawang libro na ang DreamWalker: ang Book 1 ay inilabas noong February 2022, samantalang ang Book 2 ay inilabas noong July 2022. Nakatakda na rin ilabas ang ikatlong libro nito.
Sa katunayan, 2018 pa napansin ni MIkey ang talento ni Kate nang napanood niya ito sa GMA primetime series na Onanay. Ito ang nagbigay daan kay Mikey para buuin, ihubog, at ipangalan ang DreamWalker main character na si Kat sa aktres.
"Akong ako talaga even 'yung deamnor, 'yung katawan din. 'Pag in-scan mo 'yung comics, kung paano s'ya kumilos, akong ako talaga. Ang galing, para talaga siyang panaginip."
"Parang kailangan mong ulit-ulitin basahin 'yung comics para mag-sink in sa 'yo, gano'n po 'yung feeling.
"But now, totoo na s'ya, gagawin ko na siya talagang ako na 'yung bubuhay sa character ni Kat. Parang kinuha lang talaga sa name ko, tinanggal lang 'yung 'e' so akong ako talaga."
Ang series adaptation ng DreamWalker ay ipo-produce ng 108 Media mula sa panulat ni Kaitlyn Fae Fajilan kasama si Treb Monteras III bilang showrunner at ididirehe ng award-winning filmmaker na si Mikhail Red, na director ng mega box-office Metro Manila Film Festival 2022 blockbuster na Deleter.
Ani Kate, "I'm looking forward na makatrabaho po si direk Mikhail. Hindi ko pa po siya nami-meet in person but I'm looking forward na makatrabaho s'ya and I know I'm in good hands."
Pinasok ni Kate ang pag-aartista noong 2015.
Bago ang Unica Hija, napabilang siya sa malalaking proyekto ng GMA gaya ng Encantadia (2016), Onanay (2018), at Anak ni Waray vs. Anak ni Biday (2020).
BALIKAN ANG SHOWBIZ JOURNEY NI KATE VALDEZ DITO: