
"'Yung issue po na 'yan about Studio 7, wala pong katotohanan 'yan."
Ito ang diretsong sagot ni Kate Valdez sa kanyang interview tungkol sa issue na tinanggal umano siya sa programang Studio 7 dahil raw sa kanyang attitude problem.
Sa interview na ito, na ginanap nitong October 1 sa GMA Network Center, nilinaw ni Kate na hindi siya tinanggal sa weekend musical-variety show na Studio 7.
Kaya naman hindi niya maintindihan kung saan nanggaling ang isyung ibinabato sa kanya.
"Love ako ng Studio 7. Lahat close ko, sina Mavy, sila Cassy [Legaspi].
“Close ko sila kaya hindi ko alam kung saan nanggagaling. And I'm sad kasi naaapektuhan 'yung friendship namin."
Nang tanungin si Kate kung nakausap niya ang kanyang co-stars sa Studio 7, inamin niyang hindi pa dahil hindi naman umano nila alam na may ganitong issue na kumakalat ngayon.
"Ako hindi ako ready. Kasi feel ko hindi sila aware. Sa sarili ko lang kasi ako ang may alam,” sabi ni Kate.
Dagdag pa ni Kate, hindi siya sanay sa mga ganitong klaseng intriga sa kanya.
“Hindi ko matanggap kasi alam ko sa sarili ko na hindi ako ganon…
“Hindi po ako sanay na may issue ako na ganyan.
“Kung publicity man 'yan, good publicity or bad, I don't care kasi hindi ako sanay.
“Ayoko ng ganyang thing, para lang makilala ako or mapag-usapan ako.”
Tinuldukan umano ni Kate ang kanyang pananahimik dahil gusto niyang ipagtanggol ang kanyang sarili sa issues na kumakalat tungkol sa kanya.
Ani ni Kate, “Nagre-react ako kasi hindi siya totoo... Marami na rin pong nag-interview sa akin about that. Nakakapagod na rin pong mag-explain.
“Ngayon po, binigyan niyo po ako ng chance to speak up and marinig naman 'yung side ko...
“It's okay naman na manahimik na lang pero 'pag sobra na hindi na healthy, dapat ipaglaban mo sarili mo.”
Sa ngayon, ayon kay Kate, ibubuhos muna niya ang kanyang oras sa kanyang pag-aaral kasabay ng pag-guest sa iba't ibang Kapuso shows.