
Sa pagsalubong ng 2025, sumubok ang maraming netizens sa iba't ibang "good luck challenges" para swertehin ngayong bagong taon.
Isa sa mga patok na trend ang pagkain ng 12 pirasong ubas sa ilalim ng lamesa bago maghating gabi. Inumpisahan ito ng kilalang influencer na si Bretman Rock, na nagsasabing epektibo raw ito upang magdala ng swerte sa buhay at love life. Noong 2023, ginawa niya ito mag-isa, ngunit ngayong taon ay kasama na niya ang kanyang boyfriend sa pagsali sa challenge.
Kaya naman marami ang sumunod na netizens sa trend ngayong bagong taon, pati na rin ang ilang celebrities na hindi pinalampas ang pagkakataon para magdala ng swerte.
Kasama sa mga gumawa ng challenge ang Hello, Love, Again star na si Kathryn Bernardo. Huli sa camera na masayang kumakain ng ubas sa ilalim ng lamesa ang aktres at masiglang tumalon-talon pa ito. Ang kanyang suot na damit na may polka dots ay pinaniniwalaang magdudulot ng swerte para sa bagong taon.
Hindi rin nagpahuli ang content creator na si Mimiyuuuh na tiniyak na maubos ang isang dosenang ubas bago maghating gabi. Marami sa kanyang followers ang natuwa sa kanyang video at meron din naglagay ng mga nakakatawang komento. Isang netizen ang nagbiro, "Nakalabas yung paa mo sa table nung kumakain ka ng grapes!!! Disqualified ka mii."
Kasama sa kanyang video ang mga litrato ng kanilang masayang New Year celebration kasama ang kanyang pamilya at mga kaibigan.
Kilig vibes naman ang dala ng Pulang Araw star na si Jay Ortega sa social media. Sa kanyang TikTok page, sumali sa isang nakakaaliw na dance trend ang aktor kung saan sumayaw ito sa video na may nakalagay na text, "Dance if you're entering 2025 single." Pinusuan naman ito ng maraming fans at netizens. May nagsasabi pa na baka ang dance trend ang susi para swertihin ang mga single ngayong 2025.
Naghandog ng kilig din ang My Ilonggo Girl star na si Michael Sager sa kanyang TikTok video. Umani ito ng heartwarming at nakakatawang messages mula sa fans.
Silipin ang New Year celebration ng Kapuso stars ngayong 2025 dito: