
Sinubaybayan ng TV at online viewers ang eksena nina Katrina Halili at Kate Valdez sa Unica Hija na pinalabas noong Lunes, November 28.
Sa nasabing episode, inirekomenda ni Ralph (Kelvin Miranda) si Hope (Kate Valdez) na maging personal assistant ng VIP hotel guest nilang may kapansanan na si Diane (Katrina Halili).
Ito ang unang engkwentro ni Diane at ng clone ng kanyang yumaong anak na si Bianca matapos ang trahedya. Pero ang kaibahan lang, bulag na si Diane nang dahil sa aksidente.
Naaalala ni Diane si Bianca kay Hope dahil kaboses na kaboses niya ito. Noong una ay nasungitan ni Diane si Hope pero inintindi na lang ng dalaga ang ginang dahil sa pinagdaraanan nito.
Nagalit si Diane kay Hope nang alukin siya nitong kumain. Nabasag ang mga pinggan nang hawiin niya ito. Pinulot naman ni Hope ang mga bubog kaya nasugatan ang kanyang mga kamay, na pinaalala pa lalo kay Diane ang masasayang alaala niya kasama ang anak na si Bianca.
Hindi man nakikita ni Diane si Hope, nararamdaman niya ang presensya ng kanyang anak.
Sa ngayon, mayroon na itong mahigit isang milyon views sa Facebook page ng GMA Drama.
Marami naman ang naka-relate sa pagkakaroon ng mother's instinct ni Diane.
Narito ang reaksyon ng isang netizen sa eksena nina Katrina at Kate:
"Love this…talagang iba ang pakiramdam ng isang ina…khit mlayo man ang knyang mga anak…kya nga pagdiko npanood sa t.v inaabangan ko sa utube..." komento ng Facebook user na may pangalang Milagros Planco Reyes.
Mapapanood ang Unica Hija weekdays, 3:25 p.m., pagkatapos ng Abot-Kamay Na Pangarap sa GMA Afternoon Prime.
Ang livestreaming ng serye ay available sa official Facebook page ng GMA Network.
Kung ma-miss mo man ang Unica Hija, maaaring i-stream ang full episodes at episodic highlights nito at ng iba pang programa ng GMA sa GMANetwork.com o GMA Network app.
TINGNAN ANG MASAYANG SET NG 'UNICA HIJA' SA GALLERY NA ITO: