
Ibinahagi ng Kapuso actress na si Katrina Halili sa Fast Talk with Boy Abunda ang buhay niya sa Palawan kasama ang pamilya at ang itinuturing niyang kapatid, ang aktor na si John Lloyd Cruz.
Kuwento ni Katrina sa TV host na si Boy Abunda, panahon ng pandemic nang mapagpasiyahan niyang umuwi ng El Nido upang doon muna manirahan at matutukan ang pag-aalaga sa kaniyang anak na si Katie.
“Actually simula noong nag-pandemic na-realize ko na wala akong time sa anak ko simula nang ipinanganak ko siya.
Aniya, “So, nag-decide ako na mag-cut ng work at magpaalam sa GMA na once soap na lang a year, para makatutok ako sa anak ko.”
Dahil dito, tinanong ni Boy si Katrina kung nakikita niya roon sa Palawan ang aktor na si John Lloyd, dahil dito rin ito namalagi noon sa kasagsagan ng kaniyang showbiz hiatus.
Sagot naman ni Katrina, “Doon siya sa amin bumili sa area namin.”
Paglalahad pa niya, “Parang kapatid ko na siya e, para siyang anak ng nanay ko. Parang siya na nga ang anak.”
Paglilinaw naman ni Katrina, hindi sa kaniya bumili ng property ang Happy ToGetHer star na si John Lloyd kung 'di sa kaniyang ina.
“Kaya akala ng mga tao mayaman ako. Hindi ako, mama ko,” ani Katrina.
Samantala, mapapanood naman si Katrina Halili sa upcoming Kapuso action series na Black Rider, na malapit na mapanood sa GMA.
Patuloy na tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda pagkatapos ng The Seed of Love sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.
SILIPIN ANG BUHAY NI KATRINA HALILI AT KANIYANG ANAK SA PALAWAN SA GALLERY NA ITO: