
Nagpakatotoo si Katrina Halili tungkol sa pagiging "ausome mom" o pagkakaroon ng anak na may autism spectrum disorder (ASD), isang developmental disability na nakakaapekto sa kilos at behavior ng isang tao.
Ang 13 taong gulang niyang anak na si Katie ay na-diagnose with mild autism matapos makitaan ng sintomas nito gaya ng kawalan ng eye contact.
Ayon sa YouTube vlog ni Katrina at ng dati niyang partner na si Kris Lawrence, na ama ni Katie, budget ang pinakamalaking kinokonsidera niya pagdating sa treatments at therapies ng kanilang anak.
Ani Katrina, "Mahal s'ya, 'di ba? Meron s'yang behavioral therapy no'n, meron s'yang speech (therapy), OT (occupational therapy)... ang mahal. Ang gastos, grabe. Nag-school na s'ya no'ng magte-three years old s'ya."
Kamakailan lang ay masayang ibinahagi ni Katrina na nakumpleto na ni Katie ang kanyang stem cell therapy, na umaabot ng milyon ang halaga.
Aminado ang aktres na hindi siya laging may TV project kaya humanap siya ng ibang pagkakakitaan gaya ng pagbebenta ng balm at pagba-vlog.
"Eventually, na-realize ko binigyan ako ni Lord ng oras kay Katie tapos eto nag-open pa yung social media sa 'min ni Katie na sobrang thankful ako kasi parang sinabi ni Lord na kahit wala kang trabaho, bibigyan kita ng panggastos n'yo.
"So nagba-vlog kami ni Katie, nagba-bonding kami. Kumikita kami, nakakabayad kami ng responsibilidad ko."
Bagamat wala siyang kasalukuyang ginagawang project, positibo ang pananaw ni Katrina dahil nagkaroon siya ng oras para kay Katie. Pero, aniya, hindi siya dapat makampante dahil patuloy pa rin ang mga gastusin.
Sabi niya, "Kung bibigyan ako ni Lord ng trabaho, trabaho yung uunahin ko e. Yung totoong ako, trabaho kasi gusto ko matapos lahat ng binabayaran ko. Pero isipin mo, ilan taon na akong nagtatrabaho, ilan taon na si Katie...'di ba 'di naman natatapos yung mga binabayaran ko, yung mga responsibilidad? Pero si Katie lumalaki."
Panoorin ang vlog sa ibaba.
RELATED GALLERY: Meet Katrina Halili's mini me, Katie Lawrence