
Hindi napigilang maging emosyonal ni Katrina Halili nang pag-usapan ang adjustment niya bilang ina sa kanyang 13 taong gulang na anak na si Katie.
Sa kanyang YouTube vlog, ibinahagi ng Kapuso actress na isa sa mga pinakamahirap na parte ng co-parenting setup nila ng kanyang dating partner na si Kris Lawrence ay ang kawalan ng oras para sa kanilang anak na may autism spectrum disorder.
Matapos sumali sa reality-based artista search na StarStruck noong 2003, halos hindi nabakante si Katrina sa paggawa ng mga teleserye, kung saan nakilala siya bilang mahusay na kontrabida. Patuloy pa rin ang pagtanggap niya ng projects matapos niyang isilang si Katie noong September 2012.
Lumuluhang sabi ni Katrina, "Iisipin mo na, ano kayang mangyayari kay Katie 'pag nawala ako? Tapos lagi 'yan tititigan ko si Katie, sasabihin ko wala akong laging oras sa 'yo. Lagi si Mama nagtatrabaho pero, sIyempre, kung madami naman akong pera, bakit naman ako laging wala sa bahay, 'di ba? Siyempre, kailangan kong magtrabaho kasi may mga responsibilidad ako."
Ayon kay Katrina, nagi-guilty siya kapag hindi niya nakakasama lagi si Katie kaya natutunan niyang mag-sorry sa kanyang anak dahil sa kawalan niya ng panahon para rito.
Hinaing niya, "Ang dami ko ding pagkukulang kay Katie, as in nagso-sorry ako. Anak, sorry talaga. Sorry kung wala akong time. Wala akong oras sa 'yo, kung inuna ko yung trabaho pero wala rin kasi akong choice e."
Dagdag pa ni Katrina, "Wala namang manual no'ng nanganak ako na ganito maging nanay, na kailangan ganito, may oras ka d'yan. Wala naman e."
Ang katatapos lang na GMA action-drama series na Sanggang-Dikit FR ang huling ginawang soap ni Katrina, kung saan gumanap siya sa isang support role.
Kasalukuyang walang ginagawang TV project ang aktres at abala sa balm business nila ni Katie. Sa kabila nito, nakita niya ang silver lining ngayong wala siyang taping.
Ani Katrina, "Itong time na binigay sa 'kin ni Lord na wala akong trabaho, naging blessing pa kasi nagkaroon ako ng oras sa anak ko."
Panoorin ang vlog sa ibaba:
RELATED CONTENT: Meet Katrina Halili's mini me, Katie Lawrence