
Ating balikan ang pagganap ni Katrina Halili bilang si Lorie, isang ina na nagkautang ng malaki para sa kanyang pamilya. Nagkaroon ng malubhang sakit ang kanyang mister kaya wala silang ipon para matustusan ang bayarin sa ospital at ang mga pangangailangan ng kanilang pamilya.
Sa pagpanaw ng kanyang asawa, mag-isa niyang bubunuin ang mga bayaring ito. Lilipad papuntang Hong Kong si Lorie para maging OFW ngunit bigong si Lorie dahil sa biglang pagkamatay ng kanyang amo.
Buti na lang at nakilala niya ang kapwa-Pinoy ang nag-alok sa kanya ng isang trabahong makapagbibigay sa kanya ng sapat na halaga ng pera. Kahit kapalit nito ay ang kaniyang kaluluwa, susubukan pasukin ni Lorie ang madilim na mundo ng pakikipagsama sa isang lalaki para sa salapi.
Umaasa si Lorie na ang lalaki na kasama niya ang siyang magiging daan upang makapiling niya muli ang kanyang mga anak sa Pilipinas na inaalipusta na pala ng mga pinagkautangan niya.
Mailigtas pa kaya niya ang kaniyang mga anak? Balikan ang mga pangyayari sa Tadhana.