
Naging enjoyable umano ang pakikipagtrabaho ng cast ng upcoming Afternoon Prime series na Mommy Dearest na sina Katrina Halili, Shayne Sava, at Dion Ignacio sa isa't isa. Dahil dito, napadali kanilang mga eksena sa serye. Maging si Direk Ralfh Malabunga ay na-enjoy din silang katrabaho.
Sa panayam ng GMANetwork.com sa press junket ng programa nitong Martes, February 19, sinabi ni Katrina na naging mas madali ang pagkuha nila ng mga eksena dahil din sa kaniyang co-stars.
“Kasi 'yung sa'kin, para maramadaman kong anak ko siya [Shayne], naramdaman ko talaga e, tapos nakakaawa talaga 'yung mukha nito, mukha naman talagang inaalipusta, gumanu'n lang siya, mukha na siyang kinakawawa,” sabi ng aktres.
Nasabi rin daw niya kay Shayne kung gaano kahirap humugot ng emosyon para sa kanilang mga eksena, lalo na at minsan ay inaabot sila ng ilang oras sa taping.
“Pero dahil 'yung mga kaeksena ko, 'yung 'yung mukha na dapat nakikita mo, kunyari, nakakaawa, nakikita mo talaga, believable. So para sa'kin, mas nagiging madali,” sabi ni Katrina.
Iyon din ang sinabi ni Dion patungkol kay Shayne, at inalala ang isang eksenang ginawa nila ng young actress. Kuwento niya, wala pa siyang emosyon noon papunta sa eksena hanggang sa makita niya ang mukha ng aktres.
“Wala pa akong emosyon, papunta du'n sa eksenang magyakap kami. Pagtingin niya [Shayne], kargado siya, naiyak na lang ako bigla. So mahusay 'yung mga aritsta. Kahit mabigat 'yung eksena, dumadali,” sabi ng aktor.
Dagdag naman ni Shayne, mas pinadali rin ng kaniyang co-actors ang mga eksenang ginagawa niya dahil magagaling sila. Aniya, mas naibibigay niya ang emosyon na dapat niyang ibigay dahil sa nakukuha rin niya sa mga ito.
Saad ni Katrina, “Importante talaga na mag-connect-connect kayo. may time kasi na mawawalan kami, si direk 'yung magpapaalala sa amin.”
Pag-amin pa nina Katrina at Dion, naging malaking tulong ang gabay at direksyon ng kanilang direktor na si Ralfh Malabunga.
TINGNAN ANG ILAN SA MGA BEHIND THE SCENES SA PHOTOSHOOT NG 'MOMMY DEAREST' SA GALLERY NA ITO:
Samantala, nang tanungin naman si DIrek Ralfh kung gaano kadali o kahirap katrabaho ang kaniyang mga artista, pabirong sagot niya, “Ang hirap.”
Ngunit paglilinaw ng batikang direktor, “Walang mahirap, walang madali e, nakaka-enjoy. Siguro mas gusto ko 'yung term na nakaka-enjoy kasi ang sarap magtrabaho kapag 'yung mga katrabaho mo ay nagtatrabaho din.”
Pagpapatuloy pa ni Direk Ralfh, mas nagiging enjoyable magtrabaho kapag dumadating ang mga artista ng serye na prepared at on point ang mga adjustment na hinihingi niya sa kanila. Sabi pa ng direktor, fulfilling ang pakiramdam niya kapag ganoon.
“So, imbis na mahirapan ka or maging madali lang para sa'yo, mas nag-e-enjoy ka. Masarap din 'yung pakiramdam na alam mong mahal ng mga katrabaho mo 'yung craft e, kasi ganu'n din 'yung pagmamahal mo sa craft mo. So mas madali, mas madali siyang buuin."
Sa huli, sinabi ng Mommy Dearest director na nakaka-proud ang pagbuo nila ng serye lalo na at alam niyang nabuo ito “out of your genuine, pure and love of the craft.”