
Si Katrina Halili ang umakyat sa stage at tumanggap ng tropeo para kay Kris Lawrence sa naganap na PMPC Star Awards for Music 2026 sa Teatrino Promenade sa Greenhills noong Huwebes, June 25.
Nanalo si Kris ng Male R&B Artist of the Year para sa awiting "Within" pero hindi ito makakadalo sa awarding ceremony, kaya naman pinakiusapan nito si Katrina na tanggapin ang nasabing parangal sa ngalan niya.
"Dahil wala po si Kris Lawrence, ako po ang nautusan. Bilang wala naman po tayong taping," sabi ng Kamao actress.
"Isang karangalan po para sa akin na tanggapin po ang PMPC Star Awards na ito sa ngalan ni Kris Lawrence na hindi po makakadalo ngayong gabi.
"Taos-puso po ang kanyang pasasalamat sa PMPC para sa pagkilalang ito at sa lahat ng patuloy na sumusuporta sa kanya," dagdag niya.
Binasa rin ni Katrina ang nais na ipaabot na mensahe ni Kris Lawrence para sa mga taong naniwala sa kanya.
"Thank you, Tatay Vehnee Saturno, for always believing in me. And Ladine Roxas for the opportunity to collab in this song. At sa lahat po ng sumusuporta sa mga vlogs and showing their love for Katie. Maraming maraming salamat po."
Noong Miyerkules (June 24), inanunsyo sa Fast Talk with Boy Abunda na opisyal nang nanliligaw muli si Kris kay Katrina.
Samantala, subaybayan si Katrina Halili sa Afternoon Prime series na Kamao, Lunes hanggang Biyernes, 3:20 p.m., pagkatapos ng Born to Shine sa GMA at Kapuso Stream.