
“Sayang, sayang talaga. Nanghinayang ako.”
Ito ang inamin ng kilalang biritera na si Katrina Velarde tungkol sa ilang opportunities, kabilang na ang mapasama sa international competitions, na pinalagpas niya dahil sa mas inuna niya ang pagiging ina sa kanyang eight-year-old na anak.
Sa press conference ng upcoming concert niyang SiKat v.3 nitong Martes, September 24, nabanggit ni Katrina na minsan na siyang naimbitahang mag-audition sa sikat ng singing comptetion na American Idol.
Pag-alala niya, “Yung American Idol, ano po 'yun, after the pandemic ako nag-audition. Nagtititili ako nang madaling araw, dinaanan ko na ang lahat ng levels. Parang diretsong audition na ako kasi sila naman po yung parang nag-email sa akin. 'Tapos, ginawa ko yung audition parang alas-tres ng madaling araw kasi iba ang oras nila doon.”
Dahil katatapos lamang ng pandemic, online pa ang pinagdaanang audition ni Kat. Sa kasamaang palad, hindi na umabot si Katrina sa final audition dahil kinailangan siyang magtungo agad sa America.
Kuwento niya, “'Tapos, parang after level four, kaharap ko na 'yung producers ng show. Sabi nila, 'Can you come here next week?' Sabi ko, ay wala po ako diyan. Akala nila nasa States ako. Sayang talaga 'yung American Idol na 'yun two years ago.”
Dagdag pa niya, “Sayang. Sayang talaga. Nanghinayang ako. Actually, may tourist visa naman ako kaso that's illegal if I do that, e, baka mamaya ma ano pa ako doon.”
Ayon kay Katrina, kung ngayon ito nangyari, marahil ay 'di na siya magdadalawang-isip sa pag-alis sa bansa, “Malaki na 'yung jugets ko. Eight na si Kendrick. Yun lang naman ang iniisip ko kasi nag-i-school pa yung bata. Ayaw kong mag-absent sa paningin niya.”
Pabor din sana, ayon kay Kat, “Kunwari, kung may competition na papaliparin nila ako 'tapos pauuwiin din nila ako, okay lang sana. Kaso, gusto nila maghihintay ako doon. Wala naman akong gagawin doon. Ano, maghahanap ako ng afam?”
Halos ganito rin daw ang naging dahilan kaya hindi natuloy ang dapat sana'y pagsali niya sa Britain's Got Talent.
Aniya, “Dapat last year or this year, sana Britain's Got Talent, pero hindi lang yata nag-work out ang schedule. Kasi, ang gusto nila, lumipad ako agad 'tapos, matetengga ako doon ng isang buwan habang naghihintay.
“December po 'yun na hihintayin ko, sayang naman po ang mga trabaho dito. Siyempre, dahil ako po ay alipin ng salapi, pipiliin ko ang trabaho rito, 'di ba?”
Bagamat may panghihinayang, tanggap naman ni Kat ang kanyang naging kapalaran.
“Siguro next time baka ano… Hindi lang siguro meant for me now,” sabi niya.
Samantala, tingnan dito ang ilang celebrities na kinilala abroad: