GMA Logo Katya Santos and James Blanco
Source: gmapublicaffairs and youre.myfavoritesong (IG)
What's Hot

Katya Santos at James Blanco, labis ang paghanga kina Caprice Cayetano at Heath Jornales

By Mark Joseph F. Carreon
Published June 27, 2026 3:54 PM PHT

Around GMA

Around GMA

15-anyos na lalaki, sugatan matapos saksakin ng ice pick ng nakaalitang menor de edad
Cebu town to ban phones among students starting June 29, 2026
Farm to Table: (June 28, 2026) LIVE

Article Inside Page


Showbiz News

Katya Santos and James Blanco


Hinahangaan nina Katya Santos at James Blanco ang husay sa pag-arte at ang professionalism sa trabaho ng 'CapEath' sa You're My Favorite Song.

Sa isang eksklusibong panayam sa Fast Talk with Boy Abunda, hindi naitago nina Katya Santos at James Blanco ang kanilang matinding paghanga sa mga bida ng You're My Favorite Song.

Ayon sa dalawa, labis silang napapahanga sa husay sa pag-arte at propesyonalismo sa trabaho ng mga bagong bida na sina Caprice Cayetano at Heath Jornales, o mas kilala ngayon bilang ang tambalang 'CapEath.'

Matapos na tanungin ni Tito Boy kung kumusta ang naging karanasan nila na makatrabaho ang mga nakababatang artista sa serye, pinuri ni James kung ang husay na taglay ng lead actress ng serye na si Caprice.

“Si Caprice magaling,” ani James.

Agad namang sumang-ayon si Katya sa pahayag ng kapwa aktor: “Oo. Magaling.”

Pinuri rin ni James ang husay ni Heath at ipinahayag na may potensyal ang batang aktor sa larangang tinatahak nito.

“Tapos si Heath makikita mo may potensyal talaga eh,” sabi ni James.

Hangang-hanga rin si Katya sa ipinamalas na disiplina ng mga batang aktor. Aniya, naging napakaayos ng training ng mga ito bago sumabak sa pag-arte, kaya naman sa halip na maging pasaway ay purong kabaitan at propesyonalismo ang ipinapakita ng mga ito sa trabaho.

“Okay lahat. Walang pasaway. Mababait silang lahat. I think maganda 'yung naging training sa kanila,” ani Katya.

Bukod dito, labis ding hinangaan ni Katya ang pambihirang talento ni Caprice. Inamin ng batikang aktres na maging siya ay natututo sa kaniyang young co-star na inilarawan niya bilang isang “organic” o napakanatural na artista kapag humaharap na sa kamera.

“In terms of acting, ang dami mong puwedeng makuha kay Caprice kasi siya pa lang naman nakakaeksena ko eh. So 'yung bata talagang very organic ang acting,” sabi ng aktres.

Nagbigay naman ang dalawa ng ilang mga bagay na dapat abangan ng mga manonood sa susunod na takbo ng kuwento ng kanilang serye.

“Napakabilis ng story kasi namin. Ma-miss mo lang 'yung isang araw, ang dami nang nangyari. So, abangan niyo rito 'yung maraming iyakan namin with Caprice,” pagbabahagi ni James.

“S'yempre kiligan! Maraming kiligan na magaganap. Hindi mawawala 'yung kilig,” dugtong ni Katya.

Bukod dito, ibinahagi rin ni James kung gaano kasaya ang buong cast sa set at kung gaano kalaki ang paghanga niya kay Direktor JP Habac.

Aniya, si Direk JP ang mismong utak sa likod ng mga nakamamanghang eksena na may kalidad ng isang pelikula.

“Masaya sa taping namin! Sobrang galing nung direktor namin kasi nakita ko 'yung mga shots, ang galing, parang movie. Tapos ang gagaling noong mga bata,” pahayag ng aktor.

Naging hirit naman ni Katya na tila bumabata raw sila dahil sa masayang environment sa set at sa enerhiyang dala ng mga bagong umuusbong na aktor sa industriya ngayon.

“Very youthful 'yung feeling, Tito Boy. Nakakabata kasi puro bagets,” ani ng aktres.

Ramdam naman ni James ang mabilis na paglipas ng panahon ngayong siya na ang tumatayong “senior” actor sa set ng kanilang programa.

“Noong kasama ko 'yung mga bata sa You're My Favorite Song, nai-imagine ko 'yung time na na kami, [natatandaan ko] 'yung mga tito na tinatawag ko dati sa show namin, ngayon ako na 'yung tinatawag na tito,” sabi ni James.

Patuloy na subaybayan sina Katya at James bilang sina Mama Bebe at Enrico sa You're My Favorite Song, tuwing Lunes hanggang Biyernes, 4:00 p.m., pagkatapos ng Kamao sa GMA Afternoon Prime!

RELATED CONTENT: Katya Santos at James Blanco, inamin ang labis na pag-aalala bilang mga magulang; ibinahagi ang kanilang mindset bilang mga 'kuwarentahin'