
Star-studded ang premiere night ng pelikulang After All na ginanap noong February 26 sa SM Megamall.
Present ang Kapuso artists na sina Stolen Life star Beauty Gonzalez at Sang'gre lead Kelvin Miranda. Kasama rin nila ang Makiling actor na si Teejay Marquez at ang iba pang cast ng pelikula tulad ni Devon Seron.
Dumalo rin ang kanilang direktor na si Adolf Alix Jr. at iba pang mga Kapuso stars na sina Thea Tolentino, Martin del Rosario, Bruce Roeland, Royce Cabrera, Liana Castillo, at Bella Thompson.
Maliban sa kanila, full-out support din ang mga fans sa premiere night. Kaya naman labis ang pasasalamat ng cast sa lahat ng suporta na natatanggap nila.
Sa isang interview kasama si Lhar Santiago, ang main stars na sina Kelvin at Beauty, hindi mapigilang maging emosyonal sa tuwa.
"Medyo emosyonal ako ngayon Tito Lhar kasi first time ko ma-experience yung ganitong premiere 'yung theatrical run. Mixed emotions, hindi ko maintindihan, hindi ko pa alam kung paano i-handle pero lubos ako nagpapasalamat sa lahat ng sumuporta, sa lahat ng nagtiwala sa akin," sabi ni Kelvin.
Dagdag din ni Beauty, "You know I'm so thankful that we got this chance na ma-showcase pa namin yung team-up namin in a movie and I hope you guys also support us and thank you sa lahat. Wish us luck."
Ang pelikulang After All ay iikot sa reincarnation at relasyon ng mga karakter nina Beauty at Kelvin. Haharap din ang dalawa sa mga pagsubok dahil sa hindi pagtanggap ng anak ni Beauty (na gagampanan ni Teejay) sa kanilang relasyon.
Magsisimulang ipalabas ang pelikula sa mga piling sinehan sa February 28.
Bago ang kanilang bagong pelikula, ang tambalan ng dalawang Kapuso stars ay napanood na sa GMA series na Loving Miss Bridgette: Stories from the Heart. Maaring balikan ang kanilang nakakakilig na episodes sa Full Episodes website ng GMANetwork.com.