
Umaasa si Kelvin Miranda na matapos na ang COVID-19 pandemic para mas maging maayos na ang buhay ng mga tao at ang trabaho sa showbiz industry.
Kuwento ni Kelvin sa kanyang exclusive interview sa GMANetwork.com, napakahirap umano ng buhay dahil sa COVID-19 pero iniisip niya na magtatapos rin ito.
Photo source: @iamkelvinmiranda
"Hindi ko po ini-imagine na ito na 'yung COVID, ganito na lang siya. Parang mina-manifest ko na matapos na 'yung pandemic. Kasi napakahirap po, lahat apektado. Hindi lang naman po yung showbiz."
Dugtong ni Kelvin, "Pati 'yung mga negosyo, lalo na po 'yung mga maliliit na tao talaga na sobrang apektado dahil nawalan ng trabaho, nawalan ng income dahil ang haba ng panahon na natigil 'yung mga trabaho.Nilu-look forward ko na sana matapos na siya. Sana bumalik na sa normal, sa dati."
Isa rin sa mga ikinuwento ng aktor ay sana maibalik ang ilang mga nakasanayan na nawala tulad ng pakikipag-bonding sa mga kaibigan at katrabaho pati na rin ang pagbibigay galang sa mga nakakatanda.
"Iniisip ko na tapos na siya, makakapagtrabaho kami ulit ng walang pangangamba, komportable, makakapagyakapan pagkatapos ng set, makakapagbeso or something na pagpapakita mo ng respeto, 'yung makapagmano ulit. Kasi ang daming nawala noong nagkaroon ng pandemic. 'Yung tipong pag-uwi mo ng bahay naiilang kang magmano o yumakap sa miyembro ng pamilya mo kasi natatakot ka na baka hindi ka safe. Parang ang laking wall sa bawat indibidwal na dapat dito lang tayo."
Dagdag pa ng The Lost Recipe actor, inaasahan niyang mararamdaman muli ng mga tao ang dating masayang buhay na walang iniisip na pangamba.
"Iniisip ko na sana wala na 'yun. Sana mawala na, para makapagtrabaho na ulit, makapagbonding nang mas maayos, para mas masaya, 'di ba?"
Related links:
Kelvin Miranda, naging celebrity judge sa Bawal Judgmental ng 'Eat Bulaga'
'The Lost Recipe's first teaser earns praises from netizens