
Ang Encantadia Chronicles: Sang'gre star at Kapuso heartthrob na si Kelvin Miranda ang latest houseguest sa Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition 2.0 kasunod ng kanyang fellow Sang'gre star na si Angel Guardian.
Sa pagpasok ni Kelvin sa PBB House, malugod naman siyang tinanggap ni Kuya. Sumabak agad siya sa hamon na tulungan ang housemates sa kanilang weekly task.
Inatasan ni Kuya si Kelvin na maging waiter para sa PBB Bistro Challenge na pinagkakaabalahan ng kanyang housemates.
Sa kanyang pagpasok, ibinahagi rin ni Kelvin ang kuwento kung bakit malapit sa kanya ang pagtatrabaho sa kusina.
“Bata pa lang ako, exposed po ako sa kitchen kasi mahilig po talaga magluto 'yung mama ko. So every time na magluluto siya, lagi po ako nakatango do'n, nanunood, nag-aabang. So, natuto po akong magluto sa nanay ko,” kuwento ni Kelvin.
Hindi na rin daw bago kay Kelvin ang pagtatrabaho sa kusina. Ayon pa sa aktor, malapit ang kaniyang puso sa pagluluto dahil na rin sa kaniyang naging papel bilang executive chef sa seryeng The Lost Recipe at sa kaniyang karanasan sa seryeng ito.
“Bukod po sa bahay, meron po akong isang teleseryes. 'Yun po 'yung kauna-unahang pagbibida ko sa television. Ang title po niya is The Lost Recipe. Ang role po do'n is executive chef po at tinuruan po kami paano gumalaw sa kitchen,” sabi niya.
Ipinaliwanag naman ni Kuya ang weekly task kay Kelvin kung saan ang housemates ay naatasang magluto, at magsilbi para sa piling mga bisita ng PBB Bistro.
“Tinatanggap ko ng buong puso ['yung challenge], Kuya,” ani Kelvin.
Matapos tanggapin ni Kelvin ang hamon, agad namang pinatawag ni Kuya ang task leaders na sina Kapuso housemates Caprice Cayetano at Sofia Pablo upang sunduin ang kapwa Kapuso star na kanilang makakatulong sa kanilang weekly challenge.
Abangan ang magiging experience ni Kelvin sa loob ng Bahay ni Kuya bilang waiter sa PBB Bistro.
Patuloy na tumutok sa mga kaganapan sa loob ng Bahay Ni Kuya sa Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition 2.0.
Mapapanood ang reality show ng live sa GMA at Kapuso Stream, weekdays, 9:40 p.m. at 6:15 p.m. naman tuwing Sabado at Linggo.
Maaari ring subaybayan ang mga kaganapan sa loob ng Bahay Ni Kuya sa All-Access Livestream na mapapanood sa link sa ibaba.
Related Gallery: Celebrity houseguests sa Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition