
This Kapuso month, kilig vibes ang hatid ng Kapuso love team na sina Ken Chan at Rita Daniela sa isang online exclusive video.
Dito, sumailalim sila isang compatability test sa pamamagitan ng pagsagot sa ilang tanong para masuri kung gaano nila kakilala ang isa't isa.
Ang mga tanong ay may kinalaman sa personal nilang buhay at kanilang career.
Sa unang tanong, nasagot nina Ken at Rita nang tama kung saan sila unang nagkakilala: sa Sunday variety show na Party Pilipinas.
Kuwento ni Ken, noon pa man ay nakita na niya na may posibilidad na mag-click sila ni Rita bilang kanyang love team.
Ika ng aktor, "No'ng nagkita kami sa Party Pilipinas, sinabi ko sa kanya, 'bagay tayo, puwede tayo maging love team.' Hala, nagkatotoo nga."
Sa sumunod na tanong, nasagot muli nang tama nina Ken at Rita kung ano ang first project nila together: ang My Special Tatay kung saan gumanap si Ken bilang Boyet, isang lalaking may mild intellectual disability; si Rita bilang Aubrey, isang prostitute.
Ayon kay Ken, isa sa mga hindi niya makakalimutan sa My Special Tatay ay noong nag-audition si Rita para sa kanyang role.
Kuwento ni Ken, "Minessage ko s'ya after niya mag-audtion. Sabi ko, 'See you sa taping.'"
Sabay bulalas ni Rita, "Tapos nireply-an ko s'ya: 'Paano 'to 'pag 'di ako nakuha, so ano 'to?"
Dugtong ni Ken, "Sabi ko sa kanya, 'de ikaw [ang makukuha.] Nararamdaman ko, naramdaman ko talaga.'"
Samantala, nagkaroon ng consequence si Rita nang walang naisagot kung anong pinaka-ayaw na food ni Ken.
Katwiran niya, "Lahat naman kinakain niya."
Bilang parusa, kailangan halikan ni Rita ang kanyang paboritong parte ng katawan ni Ken. Napili niyang halikan ang talukap ng mata ni Ken dahil, aniya, "maganda" at "super expressive" ang mga mata ng huli.
Hindi naman nakaligtas si Ken sa consequence matapos magkamali sa birthday ni Rita.
September 15, 1993 ang birthday ni Rita, ngunit August 5, 1993 ang sinagot ni Ken.
Gaya ni Rita, kailangan halikan ni Ken ang kanyang paboritong parte ng katawan ni Rita bilang parusa.
Nagulat si Rita kung bakit pwet niya ang hinalikan ni Ken. Gayunpaman, may makabuluhang paliwanag naman dito ang huli. Ani Ken, hindi man perpekto kung tingnan ni Rita ang kanyang katawan, hindi naman daw ito hadlang para makita ng aktor ang kagandahan ng kanyang ka-love team.
Sambit ni Ken, "Very conscious kasi siya sa katawan n'ya lately. Sabi ko, 'no, your body is perfect and na-a-appeciate ko 'yung katawan niya because ito ang totoong babae."
Bukod sa pwet, hinalikan din ni Ken ang isa pang parte ng katawan ni Rita na paborito niya: ang kanyang mga labi.
Sabi tuloy ni Ken, "Nag-kiss tayo nang wala sa eksena."
Samantala, ibinida naman ni Rita si Ken nang tanungin kung ano ang nagpapangiti sa aktor.
Ayon kay Rita, "When he feeds people, parehas kami ng love language. Your happiness is my happiness tapos 'pag nauubos nila 'yung pagkain."
Sinang-ayunan naman ni Ken ang pahayag, aniya: "Gustung-gusto ko nagpapakain kasi nagtitipid ako sa material things pero sa pagkain, hindi."
Akala ni Ken ay makakaligtas na siya sa consequence hanggang napansin ng cameraman na hindi niya ipinakita ang sagot sa camera at binura ito.
Bilang parusa, kailangan namang isigaw ni Ken ang kanyang nararamdaman para kay Rita.
Sigaw ni Ken, "I will miss you, Rita!"
Paliwanag niya, ma-mi-miss niya raw ang kanyang love team partner dahil, noong panahong shinoot ang exclusive video, ay matatapos na sila ng kanilang first lock-in taping ng kanilang bagong GMA series na Ang Dalawang Ikaw na tumagal nang ilang linggo.
Ika ni Ken, "Sobrang mami-miss ko siya kasi malaking bagay 'yung lock-in taping namin sa Ang Dalawang Ikaw kasi sobrang nakapag-bond kami talaga, I mean the whole cast. And mami-miss ko siya because ito 'yung matagal kami nagsama kaya looking forward ako sa second lock-in taping namin."
Sabay tanong ni Rita ng "So ano mami-miss mo sa 'kin?" na sinagot naman ni Ken ng "Mami-miss ko 'yung pinagluluto mo 'ko, 'tsaka mami-miss ko 'yung buong katawan mo. I mean masarap siyang yakapin."
Hindi pa nagtapos doon ang parusa kay Ken dahil hindi rin nagtuma ang kanilang mga sagot ni Rita sa tanong na kung ano ang favorite Karaoke song ni Rita.
"Pangarap Ko Ang Ibigin Ka" ni Regine Velasquez ang sagot ni Rita, samantalang "Starting Over Again" ni Dolly Parton naman ang sagot ni Ken.
Bilang parusa, kailangang ibahagi ni Ken ang kanyang favorite scene sa Ang Dalawang Ikaw.
Sambit ni Ken, "'Yung after how many years, nagkita ulit tayo. Ang sakit no'n."
Sa huli, nahatulang 60 percent compatible sina Ken at Rita.
Ang Ang Dalawang Ikaw ang third TV teamup nina Ken at Rita matapos ang My Special Tatay at One of the Baes.
Sa upcoming series, gaganap si Ken bilang isang lalaking may dissociative identity disorder--isang mental illness kung saan nagkakaroon ng multiple personalities ang pasyente. Kaya magkakaroon ng dalawang karakter si Ken: si Nelson at si Tyler.
Bibigyang buhay naman ni Rita ang papel ni Mia, asawa ni Nelson.
Magkakaroon si Mia ng kaagaw sa mister dahil sa alter personality nito sa katauhan ni Beatrice, na gagampanan ni Anna Vicente.
Narito ang pasilip sa lock-in taping ng Ang Dalawang Ikaw.