
Nagpahayag ng saloobin ang Kapamilya actress at It's Showtime host na si Kim Chiu hinggil sa kalagayan ng bansa kasunod ng mga pag-ulan at pagbahang dulot ng Habagat.
Sa kaniyang post sa social media platform na X (dating Twitter), binigyang-diin ni Kim na ang ilang buwang tuloy-tuloy na ulan at matinding pagbaha ay nagdulot na ng malaking pinsala at mga casualty.
“Ilang buwan na tayong nakakaranas ng sunod-sunod na ulan. Baha dito, baha doon,” ani Kim.
“Maraming tahanan ang nalubog, maraming kabuhayan ang nawala, at marami ring imprastraktura na pinondohan ng bilyon-bilyong piso mula sa pera ng taumbayan ang nasira o hindi nakayanan ang mga ganitong sakuna,” dagdag pa ng aktres.
Pinaalalahanan din ng aktres ang publiko na ang pondong ginagamit sa mga proyektong ito ay nagmumula sa buwis ng mamamayan, kaya't may karapatan ang bawat isa na magtanong kung nagagamit ba ito nang maayos para sa kaligtasan ng lahat.
“Yes, pera NATIN. Bilang mamamayang Pilipino, nagbabayad tayo ng TAX. Kaya may karapatan tayong magtanong: Saan napupunta ang pera ng bayan? Nasaan ang maayos na paghahanda? Nasaan ang mga proyektong dapat sana ay nagpoprotekta sa atin?” matapang na pahayag ni Kim.
Binigyang-pansin din niya na ang kakulangan sa paghahanda at responsableng pamamahala ang pangunahing dahilan ng pagdurusa ng mga Pilipino.
“Natural ang malakas na ulan at bagyo sa Pilipinas, pero hindi dapat maging normal ang paulit-ulit na pagdurusa ng mga Pilipino dahil sa kakulangan sa paghahanda, maayos na imprastraktura, at responsableng pamamahala,” giit niya.
Ayon pa sa kaniya, tila paalala na rin ng Diyos at ng kalikasan ang nangyayaring sakuna upang mamulat ang lahat at magkaroon ng pagbabago.
“Minsan pakiramdam ko, ang Diyos at ang kalikasan na mismo ang nagpapaalala sa atin na may mga bagay tayong kailangang makita, tanungin, at baguhin,” dagdag ng aktres.
Matapang din siyang nagtanong sa publiko: “Do we really deserve this? Papalampasin na lang ba natin ulit?”
Dahil dito, nanawagan siya sa mamamayan na huwag kalimutan ang mga nangyari kahit humupa na ang baha at tumigil na ang ulan.
“Mga kababayan, sana huwag nating kalimutan ang mga nangyayari ngayon kapag humupa na ang baha at tumigil na ang ulan. Huwag nating kalimutan ang mga pamilyang inanod ang bahay, ang mga nawalan ng kabuhayan, at ang mga Pilipinong kailangang magsimulang muli mula sa wala,” panawagan niya.
Hindi rin itinago ng aktres ang kaniyang kalungkutan at pagkadismaya habang ipinaalala ang tunay na tungkulin ng mga nasa kapangyarihan.
“Nakakalungkot at nakakadurog ng puso. Sa ganitong panahon, ang gobyerno dapat ang unang kumikilos, ang unang tumutulong, at ang unang nananagot. Public service is a responsibility, not a privilege,” giit niya.
“Sana habang may mga kababayan tayong walang matulugan, walang makain, at hindi alam kung paano magsisimula ulit, maalala ng mga nasa kapangyarihan kung sino ang tunay nilang pinaglilingkuran: ANG TAUMBAYAN.”
Sa pagtatapos ng kaniyang pahayag, hinimok ni Kim ang mga Pilipino na maging mapanuri at patuloy na humingi ng pananagutan mula sa mga namumuno.
“At tayong mga Pilipino, magtanong tayo. Maging mapanuri tayo. Maningil tayo ng maayos na serbisyo at pananagutan. Dahil pera natin ito. Bayan natin ito. Kinabukasan natin ito. Huwag nating kalimutan,” pagtatapos ni Kim.
Ilang buwan na tayong nakakaranas ng sunod-sunod na ulan. Baha dito, baha doon. 🌧️💔😔
— kim chiu (@prinsesachinita) August 30, 2026
Maraming tahanan ang nalubog, maraming kabuhayan ang nawala, at marami ring imprastraktura na pinondohan ng bilyon-bilyong piso mula sa pera ng taumbayan ang nasira o hindi nakayanan ang mga…
Related Gallery: Celebrities air frustrations over Metro Manila flooding