
Ibinahagi ni Bubble Gang star Kim Domingo ang isa sa pinakamasakit na parte ng kanyang buhay.
Mahigit isang taon na ang nakalilipas nang pumanaw ang matalik na kaibigan ni Kim na si Zacharael dahil sa lung disease.
Ayon kay Kim, parang kapatid na ang turing niya sa kaibigan na kasama na niya noong high school pa lamang. Naroon din si Zacharael simula nang pumasok sa showbiz ang aktres hanggang sa maging ganap itong artista.
Ibinahagi ni Kim na noong pumanaw ang kaibigan, dumating siya sa punto na ayaw na niyang magtrabaho. Nahinto na rin ang pagba-vlog ng aktres.
Kasalukuyang may mahigit 613,000 subscribers ang YouTube channel ni Kim at 10 videos. Ang pinakahuli nitong content na "Chubby 'Buni' Challenge" ay ibinahagi niya noon pang August 2020.
"Ang pinakamasakit po talaga sa akin is 'yung nangyari sa best friend ko po kasi 'yun 'yung talagang hindi s'ya mapapalitan ng kahit na ano. Like sabi ko nga, sobrang halaga ng tao na 'yun sa akin," pagbabalik-tanaw ni Kim.
Dagdag niya, "'Yun 'yung part talaga na sobrang na-down ako. Dumating sa point na ayoko nang magtrabaho noon. Tumigil ako sa pagba-vlog. Kaya nagtatanong 'yung ibang followers, 'Bakit hindi ka na nagba-vlog?' Nangyari 'yun 'yung time na namatay 'yung bestfriend ko. Tumigil lahat para sa akin."
Sa ngayon, ibinahagi ng aktres na muli na siyang tumatanggap ng proyekto. Balik-taping na rin si Kim sa longest-running gag show na Bubble Gang.
Napanood din si Kim noong December 11 sa "Lihim ng Punerarya," isa sa Christmas special episodes ng Wish Ko Lang, bilang si Ashley kasama ang mga batikang aktor na sina Lotlot de Leon at Adrian Alandy.
"Pero ngayon naman po bumabalik na ako kasi sabi ko nga, 'Ang tagal ko na ring walang project, hindi ako tumatanggap, so anong mangyayari sa akin? Hindi naman pwedeng iikot na lang 'yung buhay ko rito sa bahay.' Nami-miss ko na rin po ang pag-arte," pagbabahagi ni Kim.
Samantala, mas kilalanin pa si Kim Domingo sa gallery na ito: