
Matapos ianunsyo ni Kim Domingo sa social media ang makatanggap ng fan meet tickets para sa nalalapit na pagbisita ni Cha Eun Woo sa Pilipinas, sunud-sunod na mensahe ang kaniyang natanggap mula sa fans ng Korean actor.
Ilang fans ni Cha Eun Woo ang naging emosyonal nang malaman na sila ang napili ni Kim na bigyan ng tickets para sa naturang event.
Isa na rito ang isang babaeng kasalukuyang may sakit na cancer.
Mababasa sa comment ng babae, “Thank you idol Kim Domingo. Sobrang saya ko po napili n'yo ako sa isa sa mananalo. Nawala sa isip ko na may cancer ako. Sobrang saya ko po. Problema ko lang po hindi ko kayang pumunta mag-isa, mabilis akong mahilo.”
Nang mabasa ng Start-Up Ph actress ang comment na ito, nag-reply siya rito at sinabing magpapabili siya ng isa pang ticket para may kasama ito sa mismong event.
Sagot ni Kim, “Aww! Ako na bahala sa kasama mo manood. Magpabili ako ng ticket niya. Kapag hindi mo kaya 'wag mo pilitin ha. Pero see you! [pray at heart emoji].”
Kasunod nito, lalo pang naging emosyonal ang babae dahil sa kabutihan ng aktres at ipinahayag niya ang kaniyang nararamdaman sa pamamagitan ng isang post para sa aktres.
Ang netizens naman na sina Anna Yhanagi, Lorraine Chen, Maria Cristina Estrella, at Yohan Chiong Ruiz, natulala raw at hindi makapaniwalang kabilang sila sa mga napili ng aktres na bigyan ng fan meet tickets.
Ang netizens naman na sina Sherlyn Orsal at Jane Manansala, itinuturing na surprise at dream come true ang pagkakapili sa kanila.
Ilang posts at comments naman ang sinagot ni Kim at sinabing deserve nila ang tickets na ito.
Matatandaan noong July 2 ay personal na binili ni Kim ang fan meet tickets na ito sa isang mall sa Quezon City pagkatapos ng kaniyang taping para sa upcoming GMA drama series na Start-Up Ph.
July 3 naman nang ianunsyo ng comedienne-actress ang mga napiling bigyan ng Cha Eun Woo fan meet tickets sa pamamagitan ng Facebook post at IG stories.
Samantala, tingnan ang simple but sexy looks ni Kim Domingo sa gallery na ito.