
Matapos masangkot sa isang kontrobersiya noon nina Kapuso star Kelvin Miranda at Kapamilya actress Kira Balinger, masasabi ng dating Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition housemate na okay na sila ngayon ng aktor.
Matatandaang noong 2023 ay inakusahan ng ex-girlfriend ni Kelvin na meron silang affair ng aktres at ipinakita pa ang ilang screenshots ng usapan ng dalawa. Mariin na ding itinanggi ng dalawa ang naturang alegasyon.
Sa pagbisita ni Kira kasama ang kanyang ka-duo housemate na si Charlie Fleming sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes, April 22, kinumusta ni King of Talk Boy Abunda ang relasyon ni Kira sa Encantadia Chronicles: Sang'gre actor.
Pag-amin ng aktres ay nakuha na nila ni Kelvin ang kanilang “closure” sa nangyari, “I'm okay. No bad blood. No hard feelings. Life is short.”
Sa “Fast Talk” segment ng naturang episode, isa sa mga tanong ng batikang host kay Kira, “Nasaktan ni Kelvin Miranda?”
Sagot naman ng aktres, “Medyo.”
Tinanong rin ni Boy kung naisip ba ni Kira kung ano ang gagawin niya sakaling pumasok si Kelvin sa Pinoy Big Brother. Pag-amin ng aktres, naisip rin niya ito bago pa siya pumasok sa bahay ni Kuya.
“Honestly po, ever since finding out na collab po between GMA and [ABS-CBN], I did have that thought before going in. Pero at the same time, I felt okay about it naman po kasi kami ni Kelvin, okay naman na,” sabi ng aktres.
Nagkatrabaho sina Kelvin at Kira sa 2024 film na Chances Are, You and I. Sa ginanap na grand media conference noong March 13, 2024, pinabulaanan na ng dalawang aktor na wala silang romantic relationship. Kung ano man umano ang nakita ng mga tao na affectionate behavior sa pagitan nina Kelvin at Kira ay para lamang sa pagganap nila sa kani-kanilang karakter.
BALIKAN ANG KAPUSO AT KAPAMILYA TEAM-UPS SA GALLERY NA ITO:
Aminado naman si Kelvin na na-confuse siya sa nararamdaman niya noon para sa kanyang co-star, ngunit nilinaw niya na walang ligawan na nangyari sa pagitan nila.
“Yes, confused ako sa reality--kung totoo ba lahat ng nararamdaman ko or is it just because of my character. I don't know, pero isa lang 'yung gusto ko linisin sa isyu na ito. Alam din ni Kira, hindi po kami naging kami, para linawin po ang isyu. Wala pong ligawan nangyari,” sabi ni Kelvin.
Panoorin ang panayam kay Kira dito: