
Sinigurado ng Kapuso star na si Kiray Celis na masaya ang kaniyang ama na si Jonathan sa ika-64 na kaarawan nito.
Sa social media, ibinahagi ni Kiray ang isang video kung saan naglaro ang kaniyang ama ng "Pera O Bayong."
Sa video, makikitang may tatlong kulay ng bayong kung saan kailangan pumili ng kaniyang ama. Isa sa mga bayong na hawak ng kanilang kamag-anak ay mayroong laman na regalo.
Pinili naman ni Jonathan ang kulay dilaw na bayong. Binigyan ni Kiray ang kaniyang ama ng pera kapalit ng bayong na kaniyang napusuan. Umabot sa P60,000 ang alok ni Kiray ngunit patuloy na bayong ang sigaw ng kaniyang ama.
Nang gawing P64,000 ni Kiray ang pera ay agad itong nagbago ng desisyon at sinabing pera na lang ang kaniyang kukunin.
Matapos ibigay ng Kapuso comedian ang pera ay inilabas niya na ang laman ng dilaw na Bayong. Mayroon itong isang set ng gold jewelry, bagong cellphone at P100,000.
Nasayangan man ang kaniyang ama sa regalong nakapaloob sa bayong ay ibinigay pa rin ni Kiray ang mga ito sa kaniya kung kaya't lalong naging emosyonal si Jonathan.
Samantala, nakatanggap rin ng cash at isang gold na singsing ang kaniyang mommy Meriam.
TINGNAN ANG SWEETEST PHOTOS NI KIRAY AT NG KANYANG BOYFRIEND NA SI STEPHAN ESTOPIA SA GALLERY NA ITO: