
Magsisimula na sa August 15 ang magical romance na hatid ng Kiss Goblin.
Ang Kiss Goblin ay pagbibidahan nina Bae In-hyuk at Jeon Hye-won. Si Bae In-hyuk ay napanood na rin sa My Roommate Is a Gumiho na ipinalabas sa GMA.
Sa darating na August 15, ipakikilala ng Heart of Asia si Bae In-hyuk bilang Kurt. Si Kurt ay isang 160-year-old na Goblin na gustong maging tao. Pero para maisakatuparan ito, kailangan ni Kurt na makahalik ng sampung tao.
Dahil sa charm at kaguwapuhan ni Kurt ay naging madali sa umpisa ang makahalik ng sampung tao. Ngunit dahil sa bawat halik ay may matututunan si Kurt na emosyon, unti-unti na nagiging mahirap na tapusin ito.
Sa proseso ng pagkukumpleto ng sampung halik ay makikilala ni Kurt ang strong-willed na si Yanna. Si Yanna ay ang karakter na gagampanan ni Jeon Hye-won at kaibigan ng isa mga nahalikan ni Kurt.
Matatapos ba ni Kurt ang paghahalik sa sampung tao o tuluyan na siyang mapapaibig sa isang tao?
Abangan ang limited series na handog ng Heart of Asia na Kiss Goblin. Magsisimula ito sa August 15, 9:00 a.m. sa GMA.