
Matapos manirahan ng ilang taon sa Madrid, Spain, nagbalik ang singer-songwriter na si Kitchie Nadal sa Pilipinas para magtanghal sa ilang concert. Mayroon siyang concert noong 2024, at ngayon taon, sa iba't ibang parte ng bansa. Kaya naman, tanong ng marami, handa na ba siyang bumalik sa Pilipinas?
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Lunes, July 21, kinamusta ni King of Talk Boy Abunda ang nagdaang concert ni Kitchie sa Araneta Coliseum na unang major concert umano niya.
“It was spectacular, it turned out na sobrang saya pala niya. Kasi parang nu'ng sinabi 'yun, nu'ng pinresent sa'kin 'yun or proposal pa lang, parang sabi ko, 'Can I really do it? Araneta 'yun, parang ayoko, nakaka-intimidate 'pag sinabing Araneta,” sabi ni Kitchie.
Pagpapatuloy niya, “But when I was there ta's pagtungtong ko pa lang sa ano, okay lang pala, parang everybody was just happy, and relaxed.”
Pagbabahagi ng singer-songwriter, hindi siya kailanman nagkaroon ng solo major concert dahil pakiramdam niya ay hindi pa tama ang panahon. Ngunit ngayon, matapos ang halos 20 years sa industriya, pakiramdam niya ay handa na sila ng kaniyang mga kabanda.
Nang tanungin naman siya ng batikang host kung kinabahan ba siya sa naturang concert, ang sagot ni Kitchie, “Oh, yeah, especially 'yung anticipation, talagang nerve-wrecking siya pero I was really happy that I did it.”
Diretsahang tanong ni Boy sa kaniya, “With the success of your concerts, is there a chance na ika'y babalik muli at mag-base dito sa Pilipinas?”
Sagot ni Kitchie,” Anything is possible and we're open to anything.”
Pag-amin pa ng singer-songwriter, sa pagpunta nila sa Spain, hindi na niya inasahan na magkakaroon pa siya ng career. Masaya na umano siyang manirahan doon kasama ng kaniyang asawa at dalawang anak. Nagkataon lang na nabigyan siya muli ng oportunidad na magtanghal sa Pilipinas kaya kinuha niya ito.
“Kaya ayoko rin magsalita ng tapos kasi parang 'yun nga, 'yung concert, I didn't even think about that. Never in my wildest dream that it will happen on my 20th year, on my 21st year,” sabi ni Kitchie.
TINGNAN ANG PAMILYA NI KITCHIE SA GALLERY NA ITO: