
Malaki ang pasasalamat ni Kapuso star Klea Pineda sa GMA Network dahil sa mga ibinibigay na trabaho sa kanya.
Matapos ang kanyang contract renewal, ibinahagi ni Klea na marami siyang natututunan sa bawat show na ibinibigay sa kanya ng Kapuso Network.
Ayon sa 22-anyos na aktres, “Bawat show na binibigay sa akin, 'yung growth ko and 'yung nakukuha kong learnings from that show, tine-treasure ko siya hanggang ngayon.”
“Kasi parang once in a lifetime lang din naman for me, parang tini-treat ko 'yung isang show na binibigay sa akin as my last show and as audition ko for my next show.”
Ibinahagi ng dating aktres ng Magkaagaw ang kanyang pasasalamat sa Kapuso Network at sinabi, “Marami akong ipinag-papasalamat sa mga shows na binibigay sa akin ng GMA.”
Noong 2015, nanalo si Klea Pineda bilang Ultimate Female Survivor sa ika-anim na season ng TV reality show na StarStruck. Samantala, ang dating Kapuso star na si Migo Adecer naman ang nagwagi bilang Ultimate Male Survivor.
Matapos ang tagumpay ni Klea sa StarStruck, sumabak na ang aktres sa iba't-ibang teleserye kabilang ang Encantadia (2016), Meant To Be (2017), Sirkus (2018), Ika-5 Utos (2018),, at Magkaagaw (2019).
Nang tanungin ang aktres kung ano ang dapat abangan ng kanyang fans at supporters, sagot niya, “ Magpapatuloy po ako na ipakita sa lahat kung anong talento po ang meron ako.”
Dagdag pa niya, “And syempre habang pinapakita ko sa inyo iyon, I'm sure nag-eenjoy ako--sa akin, sa sarili ko, in-eenjoy ko 'yung mga trabahong binibigay sa akin ng GMA.”
Nais din makatrabaho ng dating aktres ng Ika-5 Utos sina bagong Kapuso Bea Alonzo at Kapuso Primetime King and Queen Dingdong Dantes at Marian Rivera.
Taos-puso rin ang pasasalamat ni Klea sa kanyang fans at supporters lalo na ang “Kleanatics” na nandiyan para sa kanya.
“Every shows before pre-pandemic, nandiyan sila para sa akin. Talagang pumupunta sila sa shows, sa mga live shows, sa guestings ko, and sa mga mall tours,” ani Klea.
Dagdag nya, “Nakakamiss sobra na makita sila na talagang face-to face na nakikita ko sila kaya nagpapasalamat ako hanggang ngayon na dahil sa kanila sinasamahan nila ako dito sa industriyang ito--sa laban na ito.”
“Maraming maraming salamat and I'm very blessed na kasama ko sila sa laban na ito.”
Si Klea Pineda ay isa sa mga pangunahing karakter ng panibagong mini-drama series na Stories From the Heart: Never Say Goodbye. Makakasama niya rito sina Jak Roberto, Lauren Young, Max Eigenmann, Snooky Serna, Herlene “Hipon” Budol, at Luke Conde.
Samantala, muli naman tingnan ang stylish photos ni Klea Pineda sa gallery na ito: