
Isang lalaki nag-anyo at nagbihis babae. Yun pala ang kaniyang puso, titibok rin para sa isang babae.
Makisig at maporma si Jerald Bahian, pero dati pala siyang kilala bilang Jeraldine at Maricar sa probinsya niya sa Butuan.
Si Jerald pala, isang transgender noon.
Noong siya ay kilala pa bilang Jeraldine, suki raw siya ng mga beauty contest sa Butuan. Pero barako lahat ang anim na kapatid ni Jeraldine.
Sabi ni Jeraldine, “Kapag nakikita ko 'yung kuya ko, machong-macho at marami pa 'yung tattoo. Dapat astig talaga kasi ang pagkakilala saming mga Bahian, puro lalaki tapos mga pulis pa. So dapat lalaki talaga kasi wala akong kilala na Bahian na parang transgender o bakla."
Ang tanging nakakaalam lang daw ng kaniyang sikreto, ang kaniyang ina na suportado naman ang kaniyang nararamdaman, kaya sinunod lang ni Jeraldine ang kaniyang damdamin.
Nagpaturok ng collagen sa iba't ibang parte ng katawan at uminom din ng pills si Jeraldine para mas mag-mukhang babae. Nagkaroon din ito ng karelasyon na lalaki na nauwi rin sa hiwalayan.
Hanggang sa isang gabi sa isang bar sa Butuan, may babaeng ipinakilala kay Jeraldine. Ito na si LJ.
Imbes na maging mag-beshy lang sila, nagka-developan daw ang dalawa.
Kuwento ni LJ, “Gustong-gusto ko siya, hindi ko maintindihan… ibang-iba kasi 'yung dati niya, parang maangas 'yung pagka-bakla niya.”
Ngunit hindi nakalayo sa tukso si Jeraldine.
Nung minsang nagka-inuman si Jeraldine at ang kaniyang mga kabarkada, may nangyari sa kanila ng kaniyang kaibigan na tomboy. Matapos ang ilang buwan, nalaman niya na lang na nagdadalang-tao na ito at siya ang tinuturong ama.
“Magpapakalalaki ako, kung buntis ka talaga,” ani ni Jeraldine sa nabuntis niyang kabarkada. Handa raw siyang panagutan ang magiging anak.
Pero kahit nakabuntis na ng iba, si LJ pa rin daw ang tunay na tinitibok ng kaniyang puso.
“Siya na siguro 'yung sinasabi nating tadhana. Siya na siguro 'yung babaeng magiging asawa ko," sabi ni Jeraldine tungkol kay LJ.
Pero hindi pa alam ni LJ na nakabuntis na si Jeraldine. Matatanggap kaya niya ito?