
Isang ilog umano sa Tabuk City sa lalawigan ng Kalinga ang bigla na lamang bumulwak ng tubig na 'tila katulad umano ng geyser.
Kung ang dinarayong geyser sa Iceland ay tumatagal lamang ng isang minuto, ang pag-aalburuto umano ng tubig sa Chico River na ito ay tumagal ng tatlong araw.
Ano ang paliwanag sa kaganapang ito?
Ayon kay John Sulca, saksi at residente ng lugar, apat hanggang anim na palapag na gusali umano ang taas na inabot ng pagbulwak ng tubig.
Kilala ang Kalinga sa kanilang sulfur mountains, at dalawang oras lang mula sa Tabuk City ay makikita ang Mt. Amfortungan kung saan umuusok at kumu-kulo rin ang tubig.
Ang hinala ni John, maaaring konektado ito sa posibleng pagkakaroon ng isa pang bulkan na baka umano nasa ilalim ng Chico River.
“Kinabahan ako kasi malay natin may volcano sa ilalim,” ani John.
Pero posible nga kayang may bulkan sa ilalim ng ilog na siyang dahilan ng pagsabog ng tubig dito?
Ayon kay Dr. Renato Solidum, Jr., Officer-in-Charge sa PHIVOLCS, imposible umanong magkaroon ng bulkan sa Tabuk City.
“'Yung nangyari dyan sa Kalinga location-wise typically impossible na magkaroon ng mga bulkan dyan.
“Hindi po pwedeng geyser 'yon dahil unang-una, walang bulkan sa ilalim ng bulkan na 'yon at walang active volcano doon sa malapit sa lugar.
“Wala tayong makikita na magsasabing geyser 'yan. Dapat umiitsa ito ng tubig na regular. Dapat 'yung tubig e mainit, may usok na lumalabas, at dapat may magma sa ilalim o mainit na bato,” pahayag ni Dr. Renato.
Samantala, sa pagbulwak ng tubig sa ilog ay nawalan din ng supply ng tubig ang mga residente, na pangunahing kailangan para mabuhay ang kanilang mga pananim.
“Ninety percent dito ho Ma'am e magsasaka. Ito na ho ang buhay namin itong patubig na ito,” lahad ni Teodoro Kub-ao, Jr., Presidente ng Tabuk Pinukpuk Federation of Irrigators Association.
Napag-alaman na ang bahagi ng Chico River kung saan bumulwak ang tubig ay konektado sa kanilang irrigation system na siyang nagsu-supply sa Cordillera at Cagayan Valley.
At ang totoong dahilan ng pagbulwak ng tubig ay ang pagputok ng siphon o pipe ng dam.
“Malaking pressure ang hinahawakan nitong siphon natin kaya ganoon po katas 'yung tubig na lumalabas.
"Base sa investigation namin, 'yung mga turnilyo ng steel cover ng manhole, nakalawang na kaya bumigay 'yung takip ng manhole,” paliwanag ni Engr. Leonardo Lamangen, Acting Division Manager ng NIA Kalinga Irrigation Management Office.
Hindi raw ito ang unang beses na bumigay ang siphon ng dam ngunit ito ang pinakamalala. Mabuti na lamang at naaksyunan agad ito at naisaayos.
“Pinalitan 'yung mga turnilyo. Natapon po sa tubig 'yung cover kaya may mga nagboluntaryo na hanapin doon sa ilog,” dagdag pa ni Engr. Leonardo.
Dito napatunayan na walang underwater volcano at wala ring geyser sa Tabuk City.
Panoorin ang espesyal na pagtatampok ng Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS) sa pagbulwak ng tubig sa Chico River sa video sa itaas. Maaari n'yo ring mapanood ito DITO.
Related content:
WATCH: Mamu, may iba pang nakakakilabot na prediksyong ibinahagi sa KMJS
Psychics na sina Mamu at Jay Costura, nagbunyag ng mga umano'y pangitain bago matapos ang 2020