
May ginto raw sa kanal matapos bumagyo sa Camarines Sur. 'Di akalain ng mga tao roon na sa bahay, may dadaloy na grasya.
Matapos bagyuhin nitong bagong taon ang Goa, Camarines Sur ay inulan naman sila ng suwerte. Sa isang kanal kasi, may dumaloy na tila mga singsing na ginto. Kaya naman kaniya kaniyang hukay ang mga taga Goa, umaasa na makakakita rin sila ng ginto.
Kuwento ni Aling Nena sa Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS), siya raw ang unang nakadiskubre ng mga alahas na ginto.
Ani Aling Nena, sumali lamang daw siya sa isang clean-up drive nang mapansin niyang may mga nakakalat na parang gintong singsing sa kalsada. Akala raw niya ay 'di tunay ang singsing kaya ipinamigay niya pa raw ito sa kaniyang mga kaibigan. Sunod na lang niyang nalaman, ang mga ipinamigay niyang singsing, totoo pala. Naibenta raw ito ng mga pinagbigyan niya.
Pero kung may tunay na suwerte man, si Nognog ito na nakapulot ng 40 na piraso ng mistulang gintong singsing. May nakuha rin siyang mga gintong pulseras at palamuti sa trophy na posibleng tubog din sa tunay na ginto.
Ani Nognog, “Nagkalat po, marami… iba't ibang klase. Kumuha ako at nilagay ko sa damit.”
Ipinakita niya raw ito sa kaniyang mga kaibigan, ngunit inakala nilang peke ito kaya pinagtawanan lang nila si Nognog at itinapon ang mga singsing.
“Kung alam ko lang po na ginto 'yun, marami sana akong nakuha. Kaya lang pati 'yung mga kasama ko, pinagtawanan ako. Sinabihan pa akong baliw na raw ako.”
Ang dalawa namang piraso ng singsing, naibenta niya sa halagang limang libong piso.
"'Yung asawa ko naman, nagsisisi kasi bakit ko raw ibinenta ng napakamura. Ang importante, mai-solve ko 'yung problema natin. May sakit pa naman 'yung anak ko. Bumili kami ng bigas, damit, ulam… hanggang sa pang-Bagong Taon na.”
Nang balikan niya ang lugar na pinagpulutan ng ginto, nakakuha pa siya ng labing apat pang piraso ng gintong singsing.
Aniya, “Malaking biyaya po talaga, easy money 'yung binigay sa 'min. Maghahanap ka lang, ready-made na. 'Yung iba nga, naghuhukay pa ng napakalalim at may makinarya pa. Kami, ito na mismo kaya nagpapasalamat kami sa Diyos.”
Pero saan kaya nanggaling ang mga alahas at ginto nga ba talaga ito?
Panoorin sa KMJS: