
Sa panahong nananalasa ang 2019 coronavirus disease (COVID-19), mahalagang isaalang-alang ang social distancing.
Bawal muna ang beso-beso at yakapan at tamang-tama ito para sa mga bata ngayong tag-init dahil makaliligtas sila sa hawaan ng kinatatakutan ding kuto.
Upang makaligtas sa peligrong dulot ng COVID-19, ipinatupad sa buong Luzon ang enhanced community quarantine at pagbabawal sa paglabas ng bahay o home quarantine.
Sinuspinde rin ang operasyon ng mg pampublikong transportasyon upang hindi mahawa sa sakit.
Ngunit ayon sa isang pamilya sa San Rafael, Bulacan, 'tila hindi sila makaliligtas sa hawaan dahil ang isang miyembro ng kanilang pamilya ay carrier din. 'Yun nga lang, carrier ng kuto!
Siya ang pitong taong gulang na itinago sa pangalang Liza. Sa dami ng kanyang kuto, maya't maya niyang kinakamot ang kanyang ulo, dahilan para magsugat ang kanyang anit.
“Nu'ng nagkakuto po ako, wala na po akong kaibigan. Malungkot po. Madami po akong sugat,” kuwento ni Liza.
Aniya pa, “Nasakit po ulo ko, tapos Makati. Dumudugo po. Hindi na po ako naglalaro.”
Ayon naman kay Edith, hindi niya tunay na pangalan, talagang layas umano si Liza kahit tiktik ang init ang araw.
Maliit lang ang bahay nila kaya tabi-tabi sila matulog kaya pati sa kanilang mga unan, mayroon ding gumagapang na kuto.
Dahil dito, nahawa na rin si Edith sa kuto ng anak.
“Sa kuto po kami magkakahawa-hawa, hindi po doon sa virus,” sabi niya.
Bukod dito, madalas umanong nabu-bully sa paraalan si Liza kaya bago pa man ipatupad ang community quarantine, ay nauna na siyang nagkulong sa bahay.
“Sugatin daw po ako. Kutuhin daw po ako. Lumalayo po ako. Nahihiya po ako,” sabi pa ni Liza.
Paano nga ba maiiwasan ang pagkakaroon ng kuto at anu-ano ang mga gamot na puwedeng gamitin pamatay sa ito?
Alamin ang kasagutan sa espesyal na pagtatampok na ito ng Kapuso Mo, Jessica Soho:
KMJS: Zion of God, exempted sa COVID-19?
KMJS: Lambanog, pwedeng alternatibo sa alcohol?