
Ang tulingan, paborito ng maraming Pilipino dahil hindi malaman at hindi masyadong matinik. Ngunit dalawa ang nalagay sa peligro dahil sa pagkain nito.
Sa Kapuso Mo, Jessica Soho, dalawa ang naiulat na nalason sa tulingan.
Si Maribeth Molina, kumain ng pritong tulingan at matapos ang kinse minutos, namula at nangati na ang kanyang katawan.
"Una sa hita tapos sa kamay, nag-red red na. Para akong na-chu-choke," saad ni Maribeth.
Dito na nagpasya si Maribeth na sumugod sa ospital.
Ayon naman kay Reymart Tobias, sanay siyang kumain ng tulingan.
Kaya laking gulat niya ng bigla siyang nagkaroon ng kakaibang pakiramdam matapos kumain nito.
Pagkakain niya raw at may naramdaman na siyang kati ngunit hindi niya ito pinansin.
Tulad ni Maribeth, matapos ang kinse minutos ay saka sumama ang pakiramdam niya.
"Parang luluwa 'yung mata ko sa sobrang init ng pakiramdam ko tapos bigla na lang may bumara sa dibdib ko. After ilang minutes, hinahabol ko na rin ang hininga ko."
Namanas na raw ang balat ni Reymart at namaga, pati ang mata niya ay namula na halos wala ng puti.
Dahil nahihirapan na siyang huminga, dinala na siya sa ospital.
Nang itinakbo si Reymart sa ospital, nalaman niyang nagkaroon siya ng Scombroid Poisoning, na katulad din ng nangyari kay Maribeth.
Ayon sa WebMD, ang Scombroid Poisoning (o scombroid fish poisoning) ay isang uri ng food poisoning na nangyayari kapag kumain ang tao ng isdang mataas ang histamine dahil sa maling pag-iimbak o pagkasira nito.
Karaniwang nangyayari ito sa mga isdang tulad ng tuna, mackerel, mahi-mahi, sardinas, at iba pang isda mula sa pamilyang tinatawag na scombroid. Kapag hindi agad nailagay sa malamig na storage ang isda matapos mahuli, nagkakaroon ng bacteria na naglalabas ng enzyme na nagpapataas ng histamine sa isda. Kahit lutuin pa ito, hindi nawawala ang histamine, kaya maaari pa ring magdulot ng lason.
Sintomas (karaniwang nararamdaman ilang minuto hanggang isang oras matapos kainin):
Pamumula ng mukha (flushing)
Sakit ng ulo
Pagsusuka o pagkahilo
Pagsakit ng tiyan
Pagsikip ng dibdib o mabilis na tibok ng puso
Parang allergic reaction (kahit hindi ka allergic sa isda)
Kapag nakaramdam ng sintomas ng Scombroid Poisoning, maaaring uminom agad ng anti-histamine o gamot laban sa allergy. Marapat din na magpatingin na agad sa ospital lalo na kapag nakaranas ng pamumula at paghirap sa paghinga.
Dapat raw ay masigurong nalinis ng maayos ang isda matapos mahuli, ayon kay Elsie Gatpayat, Managing Director ng Food Safety and Hygiene Academy of the Philippines Inc.
"Hangga't maari, lutuin na agad. Kung hindi naman lulutuin, pwede naman ilagay sa freezer kaagad."
Paano makaiwas sa Scombroid Poisoning? Panoorin sa Kapuso Mo, Jessica Soho: