
Viral ngayon ang litratong kinunan sa kasal ng isang batang lalaki at babae sa bayan ng Radjah Buayan sa Maguindanao.
Edad 13 at 14 pa lamang sina Baste at Maya (hindi nila tunay na pangalan) nang magpakasal nitong June 22 at nagsasama sila ngayon sa bahay ng una.
“Hangga't bata pa sila, kami na lang muna ang mag-alalay sa kanila,” lahad ng nanay ni Baste na si Umulher.
Gaya ng ibang mag-asawa, may mga hindi rin pinagkakasunduan sina Maya at Baste gaya na lamang ng hindi nila pagkakaunawaan pagdating sa paggamit ng cellphone.
“Ayaw niya [Baste] akong i-online. May ka-chat daw ako,” sabi ni Maya.
Grade 3 pa lang nang magkakilala silang dalawa at habang lumalaki ay nahulog umano ang loob nila sa isa't isa.
“Nagustuhan ko siya dahil maganda siya, matangkad at masiyahin. Binibilhan ko siya ng pagkain at ice water. Minsan, pinapasakay ko siya sa motor,” kwento ni Baste.
“Crush ko rin kasi siya. Naga-gwapuhan ako sa kanya at sa mata niya. Isang araw niya lang ako niligawan tapos sinagot ko na siya.”
Pero kahit ganoon ay itinago raw nila ang kanilang ugnayan dahil sa kanilang paniniwala, mahigpit na ipinagbabawal na makitang magkasama ang isang dalaga at binata habang hindi pa sila ikinakasal.
Kalaunan ay natuklasan ito ng nakatatandang kapatid ni Maya na si Bailyn.
“Nahuli sila na nasa isang kwarto. Tinatawag namin si Maya hindi lumalabas. Tinawag namin 'yung tita namin tapos siya na 'yung nagpalabas sa kanila,” ani Bailyn.
Ayon sa mga magulang nina Baste at Maya ay may nangyari sa dalawa kaya minabuti nilang ipakasal na sila kahit mga bata pa dahil nilabag umano nila ang batas ng kanilang relihiyon.
Tinatawag din ang naturang seremonya bilang “kawing.”
“Dito sa relihiyon namin na Islam, kapag umabot ang edad ng lalaki sa 10, pwede na siyang mag-asawa. Ang babae naman, kapag siya ay nasa siyam na taon na, pwede na siyang mag-asawa.
“Bago ikinasal ang dalawa, dumaan muna sa pag-uusap ang magulang ng lalaki at magulang ng babae. Ang wisdom ni Allah, para maiwasan ng babae at lalaki na makagawa ng masama habang hindi pa sila kasal,” pahayag ni religious leader Shiekh Badrudin Noh.
Samantala, ayon kay Maya, tinutulan umano niya ang ideya ng pagpapakasal.
“Sabi ko, 'Ayaw kong magpakasal.' Sabi, 'Wala ka nang magagawa kasi ginusto mo 'yan.”
Ngunit kaulanan ay napapayag din ang dalaga.
“Okay lang naman sa akin na ikinasal ako para hindi na ako magka-boyfriend ulit. Mahal ko rin siya,” dagdag pa niya.
Tunghayan ang naging kasal at pagsasama nina Maya at Baste sa espesyal na pagtatampok na ito ng Kapuso Mo, Jessica Soho:
WATCH: Ang istorya ng newlyweds na kinasal kasabay ng pag-sabog ng Taal
'KMJS': Isang misis, pinigilan ang kasal ng mister?
WATCH: Magkasintahan, kinasal sa baha