
Sina Kokoy de Santos at Shaira Diaz ang bibida sa comedy telemovie na "Ikaw si Ako, Ako si Ikaw" na pang-apat na kuwento sa weekend anthology series na Regal Studio Presents.
Ito rin ang unang episode sa bagong timeslot nito, na 4:35 pm tuwing Linggo, simula October 3.
Gananap si Kokoy dito bilang Marco, isang babaerong photographer. Si Shaira naman ay si Janice, isang nursing student turned scammer.
Nang tamaan ng kidlat ang hotel na tinutuluyan nila, magkakapalit ng katawan ang dalawa!
Dahil sa tema ng episode, itinanong ng GMANetwork.com sina Kokoy at Shaira kung sino ang mga taong gusto nilang maka-body switch.
"Sa isa kasing interview, nabanggit ko na makikipaglapit ako sa ermats ko. Siguro this time, sa erpats ko naman. Kasi 'yung erpats ko, sa mga hindi po nakakaalam, nasa barko. Seaman 'yung tatay ko," pahayag ni Kokoy sa virtual interview na ginanap sa Kapuso Bridage Zoomustahan ngayong September 29.
Nais daw kasi niyang bigyan ng mas mahabang oras ng kanyang tatay para makapiling ang pamilya.
"Ayoko kasing nalalayo sa pamilya ko eh. Hindi ko nga kayang magtagal sa ibang lugar nang hindi sila kasama. Gusto ko lang ma-experience 'yung hirap ng pagiging isang seaman na isang tatay. Para siya naman mismo, ma-experience niya na mas makasama 'yung mga anak niya at nanay ko nang mas matagal," paliwanag ng aktor.
Buhay naman ng isang global popstar ang nais ma-experience ni Shaira kung sakaling makipagpalit ng katawan. Very big fan siya ng grupong BTS, pero imbis na makipag-body switch sa kanyang bias or favorite na si Jungkook, ibang miyembro daw ang pipiliin niya.
"Dahil hindi ako makakapunta ng concert ng BTS, gusto kong makipagpalitan ng katawan sa kahit na sinong member ng BTS. Pero prefer ko siguro kay Jin, 'yung eldest, 'yung hyung, ng BTS," bahagi ni Shaira.
Hinahangaan din daw kasi niya ito pati na ang pagkakaibigan nito sa iba pang miyembro.
"Siya para sa akin ang pinaka nakikita kong isa sa closest kay Jungkook. Para makapiling ko lang si Jungkook, ma-experience ko lang kung paano siya makipagharutan kay Jungkook, makipag habulan," aniya.
"Saka love ko din kasi si Jin. Gusto ko 'yung personality niya at sobrang benta niya sa akin," dagdag pa ng aktres.
Abangan ang tambalan nina Kokoy at Shaira sa "Ikaw si Ako, Ako si Ikaw" sa bagong timeslot ng Regal Studio Presents, every Sunday simula October 3, 4:35 pm sa GMA.
Samantala, silipin ang ilang eksena mula sa episode sa gallery na ito.