
Malimit tayong napapatawa ni Tetay sa panggagaya niya sa Queen of All Media na si Kris Aquino. Ngunit sa likod pala ng kanyang mga ngiti, mayroong dinadalang problema ang komedyante na hindi niya ipinaalam sa publiko.
Sa interview ni Rhea Santos kay Tetay sa Tunay Na Buhay, ikinuwento ng komedyante na na-diagnose pala siya ng sakit na pancreatic cancer kamakailan lamang. "Sinabi ng doktor, may cancer ka. [Sabi ko,] ikaw naman doc hindi ka naman mabiro. Sana dinahan-dahan mo naman," bahagi niya.
Kung ano-ano na raw ang biglang tumakbo sa isip ni Tetay nang malaman niya ang masamang balita. Aniya, "[I feel] like I'm going to die soon, seriously. Kahit hindi pa na-e-explain sa 'kin ['yung sakit ko, pumasok na sa isip ko na] I wanna do a lot of things pa."
Dagdag pa niya, "Oo [umiyak ako] paglabas ko sa clinic. Hindi lang ako nakapag-walling eh pero that time ang pangit ng iyak ko, hagulgol sa parking."
Pero sa kabutihang palad, matapos makipagbuno si Tetay sa cancer nang mahigit tatlong buwan, tila isang milagro na naglaho ang kanyang sakit. "Wala na po. Nag-downgrade siya. Your cancer is wala na. He (doctor) even told me, 'Ay nako umalis ka na rito hindi na kita pagkakakitaan,'" masayang bahagi ng komedyante.
Ngayong wala ng sakit si Tetay, bumalik na raw siya sa kanyang normal na buhay lalo na ang kanyang entertainment career kung saan patuloy siyang lumalabas sa Kapuso shows.