
Hindi magiging madali ang mga susunod na araw, buwan, at taon para sa tinaguriang "Queen of All Media" na si Kris Aquino dahil sasailalim siya sa matinding gamutan para sa kaniyang sakit sa Amerika.
Sa pamamagitan ng Instagram post, buong detalyeng inilahad ni Kris ang katotohanan patungkol sa kaniyang kondisyon mula mismo sa kaniyang mga doktor.
Ayon sa medical doctors ni Kris, siya ay mayroong Eosinophilic Granulomatosis with Polyangiitis (EGPA) o tinatawag din noon na Churg-Strauss Syndrome, isang uri ng sakit na epekto ng inflammation ng cells sa dugo o tissues.
Isa sa isang milyong tao lamang ang dinadapuan ng sakit na ito kada taon at nasa 25% lamang ang life expectancy kung hindi magagamot at nasa 62% o limang taon naman ang life expectancy ng mga sasalang sa proper medical treatment.
Ang EGPA ang naging dahilan ng mabilis na pagpayat, panghihina, at pagbagsak ng katawan ni Kris na nangangailangan ng iba't ibang klase ng gamutan.
Base sa kaniyang mga doktor, dumaan na sa maraming tests si Kris nitong mga nagdaang buwan para masuri ang gamot na makatutulong sa kaniya ngunit hindi na rin kinakaya ng kaniyang katawan ang ilan sa mga ito. Dahil dito, inirekomenda nila na magtungo na sa Amerika si Kris upang sumailalim siya sa Nucala treatment isang non-steroid, FDA-approved treatment para sa EGPA na makukuha lamang sa Amerika.
Kung ano man ang magiging resulta nito, nakahanda naman ang iba pang alternatibong treatment para sa sakit ni Kris subalit wala pa rin itong kasiguraduhan na tuluyan siyang gagaling.
Nagpapasalamat naman si Kris sa lahat ng mga nagdarasal para sa kaniyang agarang paggaling at ibinahagi na mula mismo ng kaniyang mga doktor ang mababasang health update sa kaniyang post.
Aniya, "Maraming salamat po sa lahat ng nagdasal for my recovery. Here's the TRUTH as explained by my attending physician Dr. Niño Gavino, an exceptional Filipino-American doctor based in Houston who successfully diagnosed what's really wrong with my health."
Aminado si Kris na oras na ang kaniyang kalaban upang tuluyang mapabuti ang kaniyang kondisyon.
"I'll miss you- my friends [and] followers very much. Time is now my enemy, naghahabol kami hoping na wala pang permanent damage to the blood vessels leading to my heart," ani Kris.
Dagdag pa niya, "For now and the next few years- sadly, it's goodbye. Praying na kayanin ng katawan ko itong matinding pagsubok.
"Kahit 17 hours away na kami nila kuya Josh [and] Bimb to fly to [and] the Pacific Ocean separates the Philippines from the United States, i'd still like to end this with #lovelovelove."
Sa comment section ng post ni Kris, nagbigay naman ng suporta at panalangin sa mabilis na paggaling ni Kris ang kaniyang malalapit na kaibigan gaya nina Judy Ann Santos, Camille Prats, at Jackie Lou Blanco.
"We'll be praying for your health and recovery Kris," ani Juday.
Panalangin at lakas ng loob din ng hatid ni Camille, "Sending you love and light ate. May God's healing hand be upon you," aniya.
"I will continue to pray for you Kris," saad naman ni Jackie Lou.
Buong pag-asa at panalangin sa iyong paggaling, Ms. Kris.
Samantala, balikan ang timeline ng health scare ni Kris sa gallery na ito: