
Inamin ng dating TV host na si Kris Aquino sa Fast Talk with Boy Abunda ang dahilan kung bakit tumatagal ang kanIyang pagpapagamot sa Amerika.
Sa Valentine's Day episode ng nasabing talk show ngayong Miyerkules, February 14, live na napanood si Kris sa GMA via Zoom.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na napanood siya sa TV simula nang mag-focus ito sa kaniyang pagpapagamot noong 2018. Nagsilbi rin itong reunion ni Kris at kaniyang matalik na kaibigan na si Boy Abunda.
Sa kanilang interview, inilahad ni Kris ang kasalukuyang lagay ng kaniyang kalusugan.
Matatandaan na simula 2022 ay nasa Amerika na si Kris dahil sa kaniyang pagpapagamot matapos siyang ma-diagnose ng rare autoimmune disease na sinundan pa ng iba't-ibang sakit.
Ayon kay Kris, mas malubha ang kaniyang kondisyon ngayon at hindi magiging madali ang susunod na anim na buwan para sa kaniya.
Dito ay nilinaw ni Boy, kung bakit nagiging matagal ang ang kaniyang pagpapagamot.
Paliwanag ni Kris, “Pinakamabilis na sagot, tatlong pages 'yung laman [ng listahan] ng ibinibigay sa doktor na, 'Ito 'yung mga bawal na gamot kay Kris.'”
Paglalahad pa ng dating TV host, kahit ang mga simpleng gamot sa lagnat ay ipinagbabawal sa kaniya.
Aniya, “Boy pati… as simple as Biogesic, as simple as Ponstan, Advil 'yung mga fever dosers lahat 'yan allergic ako. Halos lahat ng antibiotics allergic ako, 'yung mga steroid na binanggit ko, lahat 'yan may side effects sa akin.
“Mabibilang mo siguro sa sampung daliri kung ilang gamot lang ang puwede kong i-take.”
Dagdag pa niya, “Apart from that gumawa sila ng total blood panel para malaman kung ano 'yung mga allergies ko. Boy, ultimo damo, grass, allergic ako. Ultimo butil ng alikabok, kapag [nalanghap] ko 'yan at hindi naka-purify 'yung hangin, hindi po ito kaartehan, totoo po ito, naninikip na ang dibdib ko, nag-a-asthma attack na.”
“Ang daming [gamot na] hindi puwedeng gamitin sa akin,” ani Kris.
Muli namang humihiling si Kris ng dasal upang makayanan niya ang lahat ng medical procedures na gagawin sa kaniya.
Aniya, “Ngayon ako hihingi ng [dasal] talaga. I'm sorry kung parang ang kapal ng mukha ko, ang tagal n'yo na akong pinagdarasal pero I really need it now.”
Para kay Kris, hiram na lamang ang buhay na meron siya ngayon pero handa siyang lumaban upang ipagpatuloy ito.
“I've always been very very upfront and honest at hinarap ko na 'to because alam ko na bawat araw, especially now na birthday ko pa, pahiram na lang 'to ng Diyos. Binigyan na lang ako ng bonus.
“So, whatever days are left, kung ano man ang natitira, it's a blessing. But, I really want to stay alive. I mean sino ba naman ang sasabihin na handa na akong mamatay.”
RELATED GALLERY: A timeline of Kris Aquino's health scares
Noong 2017 unang ibinahagi ni Kris ang mabilis na pagbaba ng kaniyang timbang. Matapos ang sunod-sunod na medical tests, napag-alaman na si Kris ay mayroong rare autoimmune disease.
Simula 2022 namalagi na sa Amerika si Kris para sa kaniyang pagpapagamot. Sa social media naman ibinabahagi ni Kris ang mga update tungkol sa kaniyang health condition.
Oktubre 2023 naman nang bumisita si Boy kay Kris sa California upang kumustahin ang lagay ng kaibigan. Ito ang nagsilbing reunion ng dalawa matapos hindi magkita ng maraming taon.