
Masayang ikinuwento ng actress-entrepreneur na si Kris Bernal ang kanyang buhay matapos ikasal sa non-showbiz partner nito na si Perry Choi sa nakaraang episode ng The Boobay and Tekla Show.
Ayon sa aktres, masarap sa pakiramdam ang maikasal sa kanyang minamahal na asawa.
Aniya, “Ang sarap ng feeling kasi finally… alam mo 'yon parang sa lahat ng pinagdaanan mo in life, like syempre marami ka ring mga failed relationships, and then finally, ito 'yung taong binigay sayo ni Lord na pinagdasal mo.”
Ibinahagi rin ni Kris na nag-iba ang kanyang mundo nang makilala nito si Perry.
“Nabago talaga mundo ko kasi syempre buhay showbiz, 'di ba? Lagi ka nasa trabaho, spotlight, 'di ka na halos nakakauwi ng bahay, 'di ka na halos nakakatulog.
“Pero noong dumating siya sa time ko, naramdaman ko talaga na ang sarap magpahinga. Ang sarap magkaroon ng ibang world,” wika niya.
Bukod dito, natanong rin ng TBATS hosts kung ano ang mensahe ng aktres sa kanyang dating ka-love team na si Aljur Abrenica.
Sagot ni Kris, “Of course, thank you, as always, kasi hindi naman natin maabot 'yung estado ngayon sa career natin kung hindi natin pinagbutihan 'yung trabaho natin as a love team. So, salamat.
“And ang message ko is.. ipagdasal natin lahat. Ask for God's guidance kung saan ka dapat and kung ano ang para sa iyo.”
Matapang naman na hinarap ng bagong kasal ang maiinit na tanong sa comedy segment na “Sasagutin o Kakainin,” kung saan lahat pinili nitong sagutin lahat ng binigay na tanong sa kanya.
Unang tanong na binigay kay Kris ay kung naniniwala ba ito na babaero diumano si Aljur Abrenica at umoo ang aktres na mayroong paliwanag.
Aniya, “Siguro kasi noong kabataan namin mga ano pa lang kami no'n 18 [o] 19, syempre nandyan pa 'yung... makulit ka pa, medyo friendly ka pa sa girls. So siguro, oo pero noong time lang na 'yon.”
Tinanong rin sa aktres kung sino sa kanyang StarStruck batchmates na sina Paulo Avelino, Aljur Abrenica, at Mart Escudero ang pinakamagaling, katamtaman, at 'di masyadong magaling umarte.
Para kay Kris, si Aljur ang pinakahuli at sumunod dito ay si Mart. Si Paulo naman ang best actor para sa aktres.
Ipinamalas din ni Kris ang kanyang galing sa aktingan matapos i-reenact ang ilang eksena nito sa Impostora at Hanggang sa Dulo ng Buhay Ko kasama ang TBATS hosts at Mema Squad na sina Pepita Curtis, Ian Red, Kitkat, at Buboy Villar sa “Ang Arte Mo.”
Patuloy na subaybayan ang The Boobay and Tekla Show tuwing Linggo, 10:30 p.m. sa GMA pagkatapos ng Kapuso Mo, Jessica Soho.
Samantala, balikan ang sunset-themed wedding nina Kris Bernal at Perry Choi dito.