
Muling nagpakilig ang dating couple na sina Katrina Halili at Kris Lawrence matapos magkasamang mag-celebrate ng Mother's Day noong Linggo, May 10, kasama ang kanilang 13 taong gulang na anak na si Katie.
Sa magkaparehong Instagram post nina Katrina at Kris, ibinahagi nila ang isang promotional video tungkol sa pagdiriwang nila ng Araw ng mga Ina sa isang Chinese restaurant. Sa comments, marami ang kinilig dahil sa natural na chemistry ng dating magkasintahan, lalo na nang pahagingan ng halik ni Kris si Katrina.
Bagamat umamin na hindi sila nagkabalikan, marami pa rin ang umaasa na magkakatuluyan ang dalawa sa huli.
Komento ng isang netizen, "@katrina_halili @imkrislawrence I pray for your family to be complete and hope the love and respect will continue for the rest of your life. Beautiful FAMILY! You both are an inspiration for Katie and others."
Hirit pa ng isang nagkomento, "Bakit 'di na lang totohanin ang lahat?"
Sa guest appearance nila sa Fast Talk with Boy Abunda kamakailan, inamin nina Katrina at Kris na kasalukuyan silang parehong single. Sa kabila nito, magkasama nilang ginagampanan ang co-parenting para sa kanilang anak.
Samantala, balik-teleserye si Katrina ngayong taon. Mapapanood ang aktres sa upcoming GMA family sports drama na Kamao, na pagbibidahan ni Anton Vinzon.
Abala naman si Kris sa kanyang music career, kabilang na ang paggawa at pagpe-perform sa iba't ibang shows.
RELATED FEATURE: Katrina Halili celebrates birthday with her blended family