
Kilala ang television personality na si Kuya Kim Atienza sa pagiging isa sa mga batikang mamamahayag sa bansa dahil sa pagbabahagi niya ng tama at makabuluhang kaalaman sa mga manonood.
Iba't ibang mahahalagang balita at trivia ang kaniyang inihahatid sa viewers sa pamamagitan ng kaniyang segment sa 24 Oras at sa Dapat Alam Mo!, na mapapanood sa GTV.
Sa isang panayam sa tinaguriang “The Explorer,” inamin ni Kuya Kim na iba ang inaakala niyang bokasyon noon sa telebisyon sa kung paano siya nakilala ngayon bilang isang tagapagpahayag ng tamang impormasyon para sa publiko.
“I've been on television for the past 19 years at kakaiba kasi akala ko noong una ang bokasyon ko sa TV ay sumayaw, kumanta, o umarte.
“Aga Muhlach ang peg ko, hindi ko akalaing magiging Kuya Kim. Since ito ang ibinigay sa akin ni Lord, malinaw na malinaw na kinakailangan si Kuya Kim ay nagbibigay ng mga kinakailangang impormasyon. Si Kuya Kim ay maraming nalalaman. Si Kuya Kim ay nagtuturo sa mga bata sa isang paraang nakakaaliw ngunit dapat ay tama palagi,” pagbabahagi niya.
Ayon sa Kapuso host, mayroon ding kaakibat na pressure ang pagkakaroon ng credible na imahe.
Aniya, “Maingat na maingat ako sa telebisyon sa mga sinasabi ko dahil kapag sinabi ko naniniwala sila lahat. At kapag mali ang sinabi ko, ang responsibilidad ay napakalaki dahil ang mga bata ay matututo ng mali. Kapag nangyari 'yan, wala ako sa tamang landas, 'di ito ang bokasyon ko.
“So my vocation on TV is to give information in the easiest way that the kids and adults can understand. 'Yan ang tatak ni Kuya Kim.”
Kuwento pa ni Kuya Kim, masaya sa kaniyang pakiramdam ang makakilala ng mga bagong tao dahil marami pa siyang matututuhan tungkol sa iba't ibang mga bagay.
“Marami pa akong bagay na hindi alam at ang kaalaman ay hindi lamang nakukuha sa libro, hindi lamang nakukuha sa internet. Ito ay nakukuha rin sa mga case study at sa mga tao. In my one year in GMA, napakarami kong nakilalang tao from within the organization and outside the organization through our coverage.
"Ang dami kong natutuhang bago. Every single day na makakilala ako ng bagong tao, may napupulot akong mga bagay na maaari kong gamitin sa aking equity bilang Kuya Kim. It's a learning process at mas marami akong taong makilala, mas marami akong matutuhang bago.”
SAMANTALA, MAS KILALANIN PA SI KUYA KIM ATIENZA SA GALLERY NA ITO.