
Matapos ang isang busy na 2024, sasalubungin ni Kuya Kim Atienza ang Pasko at Bagong Taon sa Colorado, USA kasama ang kanyang asawa at mga anak. Ayon sa celebrity TV host, nandoon sila simula December 21 hanggang January 1.
Sa panayam ng GMANetwork.com sa kanya sa naganap na contract signing niya sa Santé Barley sa Pandan Asian Cafe nitong Martes, December 10, ibinahagi ni Kuya Kim ang plano nilang mag-asawa na puntahan ang mga anak nila sa Amerika.
“We're going to Colorado. The kids are skiers, e. So si Jose is working doon, my daughter is studying there, 'yung pangatlo ko, katatapos lang ng high school,” sabi ni Kuya Kim.
Sabi ni Kuya Kim, gusto lang niyang magkasama-sama ang kanyang pamilya sa Pasko. Kuwento pa niya, magba-bonding sila ng asawang si Felicia.
“Fely and I will do a lot of eating together while the kids are skiing. We taught the kids how to ski e, at a young age. The snow in Colorado is one of the best din,” sabi niya.
Ayon pa sa batikang host ay wala naman siyang material things na gustong matanggap ngayong Pasko. Para sa kanya, ang manatiling magkakasama at healthy ang kanyang mga anak ay sapat na.
“I just want my kids to be safe and I want my kids to find themselves and find God and get into a deeper relationship with God and therefore with themselves as well. Nothing material,” sabi ni Kuya Kim.
TINGNAN ANG CHRISTMAS PLANS NG IBA PANG CELEBRITIES SA GALLERY NA ITO:
Sa ngayon ay masaya naman umano si Kuya Kim sa naging takbo ng kanyang 2024, lalo na at nag-renew siya ng kontrata sa GMA Network kamakailan lang, at nagsimula na rin ang bagong infotainment show niya na Dami Mong Alam, Kuya Kim.
Aniya ay magtutuloy-tuloy lang ang kanyang mga shows, kabilang na ang kanyang bagong infotainment show, ang noontime variety show na TiktoClock, at paglabas niya sa 24 Oras para sa segment niyang 'Kuya Kim, Ano Na?'
“As far as my goals for the career, I'm just happy that things are happening the way they are. I'm at my best and I've got nothing but gratitude. As for additional goals, sobra na kung hihingi pa ako e. Ayos na e,” sabi ni Kuya Kim.