
Patuloy ang buhos ng pagmamahal at suporta ng netizens sa pamilya ni Kuya Kim Atienza.
Kamakailan, nakatanggap ang TV host ng isang espesyal na leaf artwork mula kay Mary Mae Dacanay, isang artist galing Biñan, Laguna.
Ang dalawang obra ay handog para kay Kuya Kim at sa kanyang yumaong anak na si Emmanuelle “Emman” Atienza.
"Ginawan ko po si Kuya Kim tsaka si Emman kasi nakikita ko po 'yung pagmamahal ng magulang na laging nakasuporta sa anak," ani Mary Mae sa isang report ng 24 Oras.
Labis ang pasasalamat ni Kuya Kim sa regalo, na naging simbolo ng pagmamahal at pag-alala para kay Emman.
"Kuhang-kuha niya ang ganda at ngiti ng aking Emman kaya maraming, maraming salamat Mary Mae, sa isang napaka-espesyal na pag-alala sa aking anak," sabi ni Kuya Kim.
Binalikan din ng host ang mabigat na pagsubok na pinagdaanan ng kanilang pamilya nitong mga nagdaang linggo.
"Hindi lingid sa kaalaman ng marami na naging mabigat ang mga nagdaang linggo para sa aming pamilya dahil sa biglaang pagpanaw ng aming bunsong si Emman na nagdala ng saya at nagsilbing inspirasyon, hindi lamang sa aming pamilya, kundi sa napakaraming taong nakapalibot at nakakapanood sa kanya," dagdag niya.
Sa huli, nagpasalamat si Kuya Kim sa lahat ng nagpaabot ng dasal, unawa, at pagmamahal para sa kanilang pamilya.
"Kahit hindi na natin kapiling si Emman, nawa'y pairalin natin ang mga katangiang sinabuhay niya: compassion, courage, and a little kindness. Lahat tayo may pinagdadaanan. Piliin natin ang maging mabuti sa isa't isa," aniya.
Noong Oktubre, malungkot na ibinalita ni Kuya Kim ang pagpanaw ni Emman sa edad na 19 na labis na ikinagulat ng mga kaibigan, tagahanga, at kapwa influencers.
Mula online hanggang sa huling burol, dagsa ang pagmamahal at pakikiramay mula sa fans, celebrities, at maging mga taga-suporta ni Emman mula sa ibang bansa.
Tingnan ang 'call for kindness' ng ilang celebrities para kay Emman Atienza, dito: