
May pasilip si Kylie Padilla sa kanyang pagbabalik bilang Amihan sa GMA superserye na Encantadia Chronicles: Sang'gre.
Sa Instagram, isang behind-the-scene mula sa taping ng Sang'gre ang ibinahagi ni Kylie kung saan makikita siyang nakangiti at naka-Amihan costume.
"Amihan," sulat ng aktres.
Wish come true para kay Kylie ang pagbabalik bilang Amihan sa Encantadia Chronicles: Sang'gre at ang muling makasama ang kapwa 2016 Sang'gres na sina Glaiza De Castro (Pirena), Gabbi Garcia (Alena), at Sanya Lopez (Danaya).
"Parang nagagawan na ng paraan ang mga patay. So, I'm hoping, maybe they could give Amihan a chance. Kasi isa siya sa mga naunang namatay," sabi ni Kylie sa interview kay Nelson Canlas ng 24 Oras.
"Alam mo kapag magkasama kaming apat para kami talagang bumabalik sa, muscle memory na s'ya, ang saya-saya lang namin. Between takes tumatawa lang kami, akala mo naglalaro. Pero syempre seryoso kami 'pag take. Ang saya lang na magkasama kami ulit on Encantadia set.
Ayon kay Kylie, isa sa dapat na abangan ay kung paano ang magiging papel ni Amihan para tulungan ang new gen Sang'gres na matalo si Gargan.
Abangan ang pagbabalik ni Kylie Padilla bilang Amihan sa Encantadia Chronicles: Sang'gre, 8:05 p.m. sa GMA Prime at 9:45 p.m. sa GTV.
Mapapanood din ito online via Kapuso Stream sa official Facebook account at YouTube ng GMA Network. Maaari ring panoorin ang full episodes sa GMANetwork.com/Sanggre.