
Nilinaw ni Kapuso actress Kyline Alcantara na maganda ang relasyon nila ngayong ng kapwa Sparkle star na si Bianca Umali. Ito ay pagkatapos mapabalitang nagkaroon umano sila ng alitan noon dahil kay Taskforce Firewall star Miguel Tanfelix.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Biyernes, July 10, binalikan ni King of Talk Boy Abunda ang naturang alitan umano ng dalawang aktres. Paglilinaw ni Kyline, hindi iyon tungkol kay Miguel.
“Kaya nga po naging close kami ulit, siyempre may mga misunderstanding, miscommunication, kaya po kami hindi naging okay ni Bianca at that time,” sabi ni Kyline.
Pag-amin ni Kyline, noong una, akala nila ni Bianca na ang aktor nga ang dahilan ng kanilang alitan at hindi pagkakaibigan.
“Nu'ng nakapag-usap na ulit kami ni Bianca, nu'ng time na 'yun, akala namin, pero nu'ng nakapag-usap na po ulit kami, parang 'Ah, wala naman pala. Hindi naman pala dahil kay Miguel,” sabi ni Kyline.
KILALANIN ANG CELEBRITIES NA NAGKABATI NA MATAPOS ANG KANILANG ALITAN SA GALLERY NA ITO:
Sabi ni Kyline, masaya siya na dumeretso siya noon kay Bianca para mapag-usapan ang kanilang problema noong mga panahong iyon, dahilan para maayos ang hindi nila pagkakaintindihan.
“Now, we're so close, we're so okay. Like we have dinner, napaglutuan na niya ako ng specialty niya na sinigang. Nakapunta na ako sa bahay niya, of course, bonding with Ruru, ganiyan. Sobrang okay na po,” sabi ni Kyline.
Noong 2018 nang unang nabalita ang diumano'y away sa pagitan nina Kyline at Miguel pagkatapos ng cryptic post ni Bianca noon tungkol sa hurt feelings. Noong mga panahong iyon ay napabalitang naghiwalay sina Bianca at Miguel.
Sa isang panayam, pinabulaanan ni Kyline ang naturang ugnayan. Gayun din si Miguel na sinabing “'di totoo” ang mga alegasyon sa kanila.