
Ilang beses mang nabigo, hindi sumusuko ang Trending Streamer ng Laguna na si Chloe Redondo.
Kabilang si Chloe sa mga maglalaban sa grand finals ng The Clash 2024 ngayong Sabado, December 14.
Aminadong kontesera ang 22-year-old Clasher kaya natural na sa kanya ang maging competitive.
"Iba po talaga yung pressure sa contest. Ngayon po lalo na ngayon na apat na lang kami and ito na 'yung grand finale, 'di po talaga namin papalagpasin itong pagkakataon na 'to. Ibibigay po talaga namin 'yung 101 percent namin, " ani Chloe sa napanayam ng GMANetwork.com.
Kinikilalang isa sa mga front runner ng The Clash 2024 si Chloe kaya marami ang nagulat nang malaglag ito sa Top 9.
Nakabalik din naman si Chloe sa kompetisyon nang makaupo muli sa 'Top of the Clash' via 'Clashback' round at naging parte ng Final 6.
Patuloy siyang lumaban hanggang mapabilang siya sa Final 4.
Sa kanyang pagbabalik sa The Clash 2024, tila nabahala naman ang kanyang kapwa finalists na sina Alfred Bogabil, Angel D., at Naya Ambi dahil kinikilala ng mga ito si Chloe na pinakamatindi nilang kalaban.
Reaksyon ni Chloe, "Naa-appreciate ko 'yung thoughts nila sa akin at happy po ako na gano'n 'yung tingin nila sa 'kin and, at the same time, natatakot po ako kasi 'yun 'yung tingin po nila sa 'kin. What if, ma-break ko 'yun so parang may fear po ako na magkamali, ma-disappoint ko 'yung mga sumusuporta sa 'kin and, of course, ma-disappoint din 'yung sarili ko.
"So kailangan every performance dapat ibinibigay po talaga 'yung lahat."
Sa kabila nito, inaalis na lang daw ni Chloe sa kanyang isipan ang pakikipagkompetensya dahil, aniya, ang tunay niyang kalaban ay ang kanyang sarili.
"Kahit ano sabihin ng kahit anong tao, natatakot ka rin do'n sa pressure so kailangan mo ma-overcome yun. So ang ginawa ko na lang din po para ma-overcome yun, sinet ko talaga 'yung mind ko na 'wag mo isipin na contest 'to, 'yung sasabihin ng ibang tao. Enjoy-in mo na lang yung bawat moment at bawat performance."
Matapos ilang beses mabigo sa mga singing contest, ito na kaya ang time ni Chloe?
Tutukan 'yan sa The Clash 2024 ngayong Sabado, December 14, 7:15 p.m. sa GMA at Kapuso Stream.