
Takot nga ba si Kapuso actress Lala Vinzon na ipaalam sa kanyang ama na si veteran action star Roi Vinzon kung nagka-boyfriend na siya?
Sa "Bawal Judgmental" segment ng Eat Bulaga noong Lunes, October 10, hindi malaman ni Lala kung paano sasagutin ang unang tanong sa kanya ni Dabarkads Ryan Agoncillo kung nagkanobyo na siya.
Pag-amin ni Lala, "Sa ngayon hindi ko pa po pwedeng sabihing oo, pero... hindi ko alam kung paano sasagutin, delikado po akong sumagot.
"Actually hindi ko po alam kung makakauwi ako ngayon kapag sinagot ko 'yan, pero gusto ko pong maging honest. May mga hindi naman to the point [na] relationship po siguro."
Ipinaliwanag naman ni Ryan kung bakit niya iyon natanong kay Lala. Aniya, "The reason I ask that, [is] because Roi is such a strong presence on screen. And that from what we hear parang strict dad siya, pero pumayag siyang mag-showbiz ka."
Nagsimula si Lala sa showbiz nang sumali sa isang singing competition noong 2017. Dahil sa talento sa pagkanta, nasundan ito ng guest appearances sa telebisyon. Opisyal na naging Kapuso ang singer-actress matapos na pumirma ng kontrata sa Sparkle GMA Artist Center noong September 2021.
Ayon kay Lala, wala noon sa isip niya ang pag-aartista dahil sa pagiging mahiyain. Pero noong sumali sa isang singing contest ay sinabihan siya ng amang si Roi na subukan na rin ang acting. Aniya, "Kung mayroon man po siyang maipamamana sa amin iyon 'yung pag-aartista."
Nagbigay naman ng sorpresang pagbati kay Lala ang amang si Roi. "I'm so happy na ngayon artista ka na at sumunod ka sa yapak ko. Sana maging devoted ka riyan kung gusto mo talaga.
"Ang bilin ko sa 'yo, maging professional ka. Uulitin ko, mababa sana ang loob mo parati at stay mo 'yung kabaitan mo. Maraming salamat at sana mai-maintain mo pa rin ang pag-aaral mo kahit na artista ka."
MAS KILALANIN PA SI LALA VINZON SA GALLERY NA ITO: