
Nag-viral kamakailan ang Facebook live ng isang pulis dahil sa kakaibang plot twist ng kasong ibinahagi nito. Isang lalaki ang nag-report na nanakawan siya ng cellphone pero kinuha at itinakbo naman niya ang susi ng motor ng mga magnanakaw. Ang tanong, dapat nga ba siyang kasuhan?
Sa nakaraang episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho, ibinahagi ni Mark Russel Zapata mula Las Piñas City ang nangyari sa kaniya noong October 29. Ayon sa binata, nagpunta lang siya sa tindahan noon nang may lumapit sa kaniyang isang lalaki.
“Naka-helmet po kasi siya e, sabi niya sa'kin, 'gusto mo ba ng babae, boy?' Sabi ko po, 'Ayoko,'” kuwento nito.
Umalis ang lalaki at ipinarada ang dala nitong motor sa malayo, bago siya balikan nang may kasama nang isa pang lalaki. Ayon kay Mark, natakot siyang baka saksakin siya ng mga ito.
“Hinablot 'yung cellphone ko, binubuksan nila 'yung case, kinukuha nila 'yung pera. Nasa P900 lang naman po 'yun,” sabi ng binata.
Dagdag pa nito, “Nahirapan po akong ibigay basta-basta 'yung cellphone ko, siyempre P10k na po yata 'yun. Ginagamit ko po sa pag-aaral tsaka sa trabaho.”
RELATED GALLERY: Celebrities na biktima ng pagnanakaw:
Ayon kay Mark ay pinaandar na ng kasamahan ng snatcher ang motor nila, at inaantay na lang ito sumakay. Sa kagustuhang mabawi ang cellphone ay sinundan niya ito, ngunit iba ang nakuha niya.
“Napansin ko po 'yung susi na madali lang kunin, hinatak ko na lang 'yung susi,” sabi ni Mark.
Dagdag pa nito ay pilit kinukuha ng mga snatcher ang susi sa kaniya, habang pinipilit naman niya kunin ang kaniyang cellphone. Ngunit dahil ayaw ibigay ng mga snatcher ay tumakbo na siya palayo. Dito na siya nilapitan ng isang babae na pinipilit siyang ibalik na ang susi ng motor na pinaghihinalaan niyang kasabwat ng mga ito.
Ayon kay Mark ay hindi na siya gaanong lumalabas ng bahay dahil sa trauma at takot sa nangyari.
Sa pag-iimbestiga ng mga rumespondeng pulis ay nalaman nilang may ID sa compartment ng naiwang motor, ngunit matagal na itong patay. Kaya hinanap nila ang kasalukuyang may-ari na itinago nila sa pangalang Bernie.
Ayon sa kaniya ay ipinahiram lang niya ang motor sa kaibigan at nilinaw na wala siyang kinalaman sa nangyaring krimen.
“Natatakot po akong tanggihan siya nun dahil po kilala ko 'yung pakatao niya, sikat na po 'yan na delikadong tao po,” sabi ng binata.
Inamin naman ni Bernie na galit siya sa nanghiram dahil pamana pa sa kaniya ng yumao niyang ama ang motor na ginamit naman sa masama.
Samantala, nahanap din ang babaeng lumapit kay Mark na itinago sa pangalang Rose. Ayon sa kaniya ay ex-boyfriend niya ang isa sa mga suspek at nilinaw niya kay Mark na hindi siya kasabwat ng mga ito.
“Kaya ko po kayo nilapitan, kasi po nag-alala din po ako, concern lang ako kasi may anak din ako,” sabi nito.
Sa ginawa ni Mark na pagkuha ng susi ng mga snatcher, makakasuhan nga ba siya? Ang sagot ng lawyer na si Karen Jimeno, “Dito sa mga pangyayari, malinaw naman na walang intent to gain 'yung biktima. Kung walang intent to gain, hindi masasabing kasalanan siya ng theft.”
“Sa batas kasi natin, ang theft, ang isang elemento nito, 'yung intensyon mo na kunin 'yung bagay para sa sarili mo,” paliwanag ni Karen.
Dagdag pa ni Karen ay dahil kinuha lang ni Mark ang susi para hindi makatakas ang mga snatcher at dumeretso pa sa mga kapulisan ay kita na wala itong intent to gain.
Sa huli, isang kahilingan ang ibinahagi ni Mark, “Sana po mahuli na 'yung suspect para hindi na po siya makaperwisyo ng tao tsaka hindi na niya magawa.”
Panoorin ang buong segment ng KMJS dito: