
Bihirang makatagpo ng magkapatid na halos sabay pumasok sa showbiz, lalo na at maaaring magkasapawan ang dalawang artists. Ngunit para sa '90s sexy actresses na sina Lani Lobangco at Rachel Lobangco, maganda ang sisterhood dynamics nilang dalawa.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Biyernes, October 4, ay kinamusta ng host na si Boy Abunda ang sisterhood dynamics nina Lani at Rachel. Dito inamin ni Rachel na sa pagitan nilang magkapatid ay mas mahina siya kaya naman madalas ay sa kaniyang Ate Lani siya nakikinig at humihingi ng payo.
“I listen to her all the time, she became my advisor. Actually, siya ang nagpaplano somehow sa akin sa pagiging chef ko ngayon,” kuwento ni Rachel.
Paliwanag naman ni Lani ukol dito ay kahit very talented umano ang kaniyang nakababatang kapatid ay hindi nito napapansin ang kaniyang kakayahan.
“Lagi kong sinasabi, 'Alam mo, very talented ka, very creative ka, masarap kang magluto.' Hindi siya naniniwala. Sayang kasi 'yung effort and talent e, pwede niyang gawing career,” sabi ng dating aktres.
Nang tanungin naman sila kung sino sa kanila ang tumatayong protektor, ang sagot ni Rachel ay si Lani pa rin.
Ayon pa kay Lani ay kahit bata pa sila mahigpit na talaga siya sa nakababatang kapatid, at inaming minsan ay mas mahigpit pa siya kay Rachel kaysa sa mga magulang nila.
“Para siyang naging mommy ko kahit isang taon lang ang edad,” sabi ni Rachel.
RELATED CONTENT: BALIKAN ANG ILAN SA MGA CELEBRITY SIBLINGS NA DAPAT TULARAN SA GALLERY NA ITO:
Kuwento pa ng celebrity siblings na noong nagsisimula pa lang sila ay naging kritiko na nila ang isa't isa. At dahil parehong sexy stars noon, madalas pinapaalalahanan rin nila ang bawat isa kung sobra na ang ginagawa nila.
Kuwento ni Rachel, “Medyo nag-ingat din kasi kami talaga nang bongga kasi parang we wanna make sure na 'yung mga kids namin in the future will be proud sa aming magkapatid. Medyo madami kaming issues ni Ate kapag ganiyan.'Pag sobra ka na, [Lani: Pinapaalalahanan namin ang isa't isa.]”
Dagdag pa ni Lani, “We are each other's critics. 'O, sobra na 'to, bawasan mo yan. Oh, medyo 'wag mo gawin 'to.' May ganiyan kaming relationship.”